Author: teambam

BIDA KA!: Trabaho, Negosyo, Tiwala

Mga Bida, sa huling survey na inilabas ng Pulse Asia, si Senate President Franklin Drilon ang lumabas na pinakapinagkakatiwalaang pinuno ng pamahalaan.

Nabanggit din ni SP Drilon ito noong nakapanayam niya si Karen Davila.  Nabanggit niya na dahil sa tuluy-tuloy na trabaho ng buong Senado, kaya niya nakamit ang rating na ito.

Noon pa man, ilang beses na na­ting sinasabi na upang muling makuha ang tiwala ng taumbayan, kailangan na­ming mga senador na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa gitna ng mga iskandalo upang mas mapaganda ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino, lalung-lalo na ang ating mga kababayang naghihirap.

***

Kaya naman, sa gitna ng ingay-pulitika kaugnay ng nalalapit na halalan, patuloy pa rin ang pagtutok ng ating opisina sa mga panukalang magpapatibay sa ating ekonomiya at makakatulong na makaahon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

Mabigat ang mga ito para sa isang bagong senador, pero dahil mahalaga ito para sa taumbayan, tinutukan ito ng inyong lingkod.

Kamakailan, inaprubahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang tatlong mahahalagang panukala at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Noynoy Aquino upang maging mga batas.

Kapag naging batas, malaki ang maitutulong nito sa paglago ng ating kabataan at maliliit na negosyante, mabawasan ang bilang ng walang trabaho at sa paglakas ng ekonomiya ng bansa.

Una, naratipikahan na ang Youth Entrepreneurship Act, na la­yong tugunan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) at National Statistics Office (NSO), may 1.32 milyong kabataang may edad mula 15 hanggang 24-anyos ngayon ang walang trabaho.

Sa nasabing panukala, magtuturo na ng financial literacy at pagnenegosyo sa ating mga eskuwelahan upang masimulan na ang kultura ng pagnenegosyo sa ating bansa.

Pangarap natin na lalo pang  dumami ang mga nagnenegosyo sa ating mga kababayan habang lumalago ang ating bansa, at mainam na simulan na ito habang bata pa.

***

Ikalawa, inaasahan sa Foreign Ships Co-Loading Act na maka­tutulong na mapababa ang presyo ng shipping ng mga produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukala, papayagan na ang mga dayuhang barko na galing sa international ports na dumaong sa iba’t ibang pantalan sa bansa para magbaba at magsakay ng kargamentong in-import at ie-export.

Sa gayon, wala nang double handling na gagawin at mumura ang presyo ng logistics sa bansa.

Alam ninyo, mga Bida, ang malaking bahagi ng presyo ng bili­hin ang napupunta sa logistics kaya inaasahan namin na bababa ang halaga ng produkto sa merkado.

***

Huli, humigit-kumulang na 25 taon din itong nabimbin sa Kongreso, pero sulit naman ang paghihintay ngayong naipasa natin sa Kamara ang Philippine Competition Act.

Sa tulong nito, magkakaroon ng patas na pagkakataon ang lahat ng negosyo, mawawala ang lahat ng mga cartel, mga nag-price fixing, nagtatago ng supply upang tumaas ang presyo, iba pang anti-competitive agreements at abuso ng malalaking kompanya.

Mga Bida, kapag may nang-aabuso sa merkado, ang talo riyan ay ang mga mamimili. Nawawalan sila ng pagkakataong pumili ng produkto, nagmamahal ang presyo ng bilihin at nahihirapang makapasok ang bagong mga kompanya na maaaring magbigay ng mas magandang serbisyo at produkto sa merkado.

Sa batas na ito, bababa ang presyo ng bilihin, mas marami nang pagpipilian at mas maraming innovation na makikita ang mga mamimili sa merkado.

Susuportahan din nito ang ating maliliit na negosyante, ha­yaan silang lumago at magbigay ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan.

Mga Bida, maraming salamat sa inyong tuluy-tuloy na suporta. Patuloy tayong maghahain ng mga panukala para sa kapaka­nan ng nakararaming Pilipino!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Bagyong Ruby at Batang Pinoy

Sa paghina ni Ruby, hindi rin nangyari ang inaasahang dalu­yong o storm surge na sinasabing aabot sa lima hanggang pitong metro ang tubig na puwedeng sumira sa mga komunidad sa mga baybayin.

May mga nasira mang ari-arian, malayo ito sa pinsalang idinulot ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong nakaraang taon.

Dahil na rin sa maagang paghahanda at paglilikas sa mas ligtas na lugar, mababa rin ang bilang ng mga nasawi sa kalamidad.

***

Kaya naman pala kung magsasama-sama ang lahat sa paghahanda.

Hindi gaya noong nakaraang taon, ngayon mas maaga nang nakapaghanda at nakaposisyon ang mga ahensiya ng pamahalaan.

Nailikas na ang mga taong nakatira sa tinatawag na danger zones. Nailagay na sa mga tamang lugar ang mga relief goods. Mas nakapaghanda at naging alerto ang mga lokal na pamahalaan.

Basta’t may koordinasyon ang lahat – ang pamahalaan, local governments, national agencies, at pati na rin ang mga pribadong institusyon ay mababawasan ang epekto ng anumang kalamidad.

***

Tuwing sasapit ang kalamidad – gaya ng lindol, baha at bagyo – at mga sakuna, madalas na naaapektuhan ang mga batang Pinoy.

Sa pagtama ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon, tinatayang nasa anim na milyong bata ang naapektuhan, batay sa tala ng grupong Save the Children.

Ayon pa sa kanila, ang mga batang nakaligtas sa bagyo ay nawalan ng mahal sa buhay at naulilang lubos.

Marami rin sa kanila ang nakaranas ng psycho-social trauma, hirap sa evacuation centers, kawalan ng oras sa pag-aaral at maging proteksiyon.

Mga Bida, kaya inihain ko ang Senate Bill No. 2466, na layong lumikha ng isang national program na magbibigay proteksiyon at tulong sa mga batang Pinoy na naapektuhan ng kalamidad at sakuna.

Dahil ang Pilipinas ay nakapuwesto sa tinatawag na Pacific Ring of Fire na madalas tayong tamaan ng kalamidad, mahalaga na mayroon tayong isang matibay na polisiya na poprotekta sa mga batang Pinoy.

Kapag naisabatas, muling bubusisiin ang mga kasalukuyang polisiya upang mabigyan ng karampatang suporta ang mga batang Pinoy, lalo na tuwing may sakuna, kalamidad o ‘di kaya’y digmaan.

Sa pamamagitan nito, mababawasan ang trauma ng mga bata at mabilis na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay, lalo pa’t may epekto sa mga bata ang mahabang pagkawalay sa kanilang tahanan at mga mahal sa buhay.

Maliban dito, layon din ng panukala na magbigay ng child-centered training para sa first responders, guro, psychologists at iba pang volunteers sa disaster recovery, relief at rehabilitation, kasama na ang special modules para sa iba’t ibang antas ng paglago ng mga bata.

Sa pagtugon natin sa pangangailangan ng mga batang Pinoy, lalo na tuwing may kalamidad, tiyak na ang pangmatagalang seguridad at kalusugan ng ating bansa.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Martsa ng mga magniniyog

Para sa kaalaman ng lahat, ang bilyun-bilyong coco levy fund ay nagmula sa iba’t ibang uri ng buwis na ipinataw sa mga magniniyog mula noong 1971 sa bisa ng ilang mga Pre­sidential Decree.

Ang pondo ay inilagay sa pamamahala ng Philippine Coconut Authority (PCA) ngunit hindi naman nagamit para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Pero nagamit ang pondo sa ibang bagay, gaya ng pagbili sa United Coconut Planters Bank at sa paglikha ng ilang mga kumpanya, tulad ng United Coconut Oil Mills, isang pede­rasyon o COCOFED, isang insurance company o ang COCOLIFE at marami pang iba.

Sa kabila nito, nanatili pa ring dukha ang mga magniniyog. Sa ulat ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), kumikita ang mga magniniyog ng P16,842 hanggang P23,000 kada taon lamang, na malayo sa average na P61,000 na kita ng isang ­agricultural household sa bawat taon.

Ayon naman sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), 41 porsiyento ng mga magniniyog ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Noong 2013, nabigyan ng bagong pag-asa ang mga magniniyog nang idineklara ng Korte Suprema na pampublikong pondo ang coco levy funds at ibinigay sa pamahalaan ang ­lahat ng shares ng stocks at iba pang pondong may ­kaugnayan dito.

Subalit isang taon na ang lumipas mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon, wala pa ring malinaw na paraan kung paano gagamitin ang nasabing pondo.

Ito ang nagtulak sa mga magniniyog na maglakad mula Davao patungong Maynila. Nais nilang isulong ang pag­likha ng coco levy trust fund para tuluyan nang magamit ang ­nasabing pondo.

***

Nagkaroon naman ng bunga ang pagod at pawis ng mga magniniyog nang mismong si Pangulong Noynoy Aquino ang humarap at nakipagdiyalogo sa kanila.

Sa nasabing pulong, nagkasundo ang dalawang panig sa ilang isyu, tulad ng paggamit sa taunang interes ng coco levy fund sa mga programa para sa industriya.

Kung susumahin, P3 bilyon ang interes na magmumula 2012 hanggang 2014 ang magagamit para sa mga programa sa unang taon.

Upang hindi naman agad maubos ang P73 bilyong pondo, nais naman ng pamahalaan na lumikha ng isang trust fund na mangangailangan ng batas.

***

Bago pa man ang pulong ng mga magniniyog kay Pangu­long Aquino, naghain na tayo ng panukala na layong lumikha ng Coconut Levy Trust Fund upang makatulong sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa.

Kapag naisabatas, makatutulong ito upang maiangat ang industriya ng niyog pati na rin ang buhay ng mga magniniyog at kanilang mga pamilya.

Sa tulong ng nasabing pondo, gaganda na ang teknolohiya sa pagsasaka at lalakas ang kakayahan ng ating magniniyog na tugunan ang demand sa coco fiber, coco water, coconut oil at marami pang iba.

Nakalatag sa panukalang ito ang mga plano’t programa na magpapalago sa produksyon at kaalaman ng mga magsasaka.

Gagamitin din ang pondo para sa research, pagpapaunlad ng mga negosyong coconut-based, at pagpapatupad ng mga programa na magpapaangat sa kanilang kalagayan.

Sa kabuuan, layon nitong buhayin at gawing moderno ang industriya, palakasin ang produksyon at umakit ng mga mamumuhunan upang ito’y maging magandang pagmumulan ng kabuhayan.

Dahil sesertipikahan ni Pangulong Aquino bilang urgent ang panukalang lilikha ng coco levy trust fund, kaunting panahon na lang ang hihintayin ng mga magniniyog at matitikman na rin nila ang bunga ng kanilang pinaghirapan.

Hinihikayat ko kayo na makibahagi sa pagmartsa ng mga magniniyog tungo sa kaunlaran ng lahat ng Pilipino, lalo na ang mga naghihirap sa kanayunan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Ospital para sa batang Pinoy

Sa ganitong uri ng transaksyon, isang salita ang pinanghahawakan at tiwala sa kausap ang kailangan.

Ngunit hindi ganito ang nangyari sa usapang kaliwaan sa pagitan ng National Housing Authority (NHA) at Department of Health (DOH) na pinasok noon pang 1992.

Nagkasundo noon ang DOH at NHA na magpalitan ng kani-kanilang ari-arian sa Cebu at Quezon City na may sukat na 5.9 ektarya at 6.4 ektarya, ayon sa pagkakasunod.

Subalit isang bahagi lang ng kasunduan ang naipatupad dahil habang naipamahagi na ng NHA ang Cebu property sa pamamagitan ng socialized housing, hindi naman nailipat sa DOH ang pagmamay-ari ng lupain sa Quezon City.

Sa salitang kanto, parang nagkaroon ng malaking panggu­gulang sa sitwasyong ito. Habang naipamudmod na ng NHA ang lupaing ipinagpalit para sa ari-ariang kinatitirikan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), wala namang napala ang DOH sa transaksyon.

Ngayon, kabado ang opisyal ng PCMC dahil nasimulan nang ipagbili ng NHA ang isang bahagi ng lupain sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na isa ring ahensya ng pamahalaan.

Dahil hindi pa hawak ng PCMC ang titulo ng lupa, hindi matuluy-tuloy ang balak na private-public partnership na sana’y magpapaganda sa ospital na nagseserbisyo sa 70,000 batang pasyente kada taon, na karamihan ay galing sa mahihirap na pamilya.

Upang maplantsa na ang gusot na ito, naghain tayo ng Senate Resolution 266 na layong pagsama-samahin sa iisang mesa ang mga kaukulang ahensya gaya ng NHA at DOH at resolbahin ang isyu ng pag-aari sa PCMC.

Sa huling pagdinig ng Senate Committee on Health ukol sa aking resolusyon, humarap si NHA general manager Chito Cruz at iba pang mga opisyal ng ahensya upang sagutin ang isyu.

Dumalo rin ang mga opisyal at mga empleyado ng PCMC, sa pangunguna ni executive director Julius Lecciones, upang ibigay ang kanilang panig, kasabay na rin ng hiling na resolba­hin na ang isyu.

Sa pagdinig, iginiit ng NHA na kanila pa rin ang ari-ariang kinatatayuan ng PCMC dahil hindi nagkaroon ng buong pagpa­patupad ng kasunduan.

Subalit sinabi ni Cruz na handa ang NHA na ilipat ang ari-arian sa DOH kung maglalabas ang Department of Justice (DOJ) ng opinyong legal na nagsasabing dapat ipatupad ang naunang kasunduan.

Mahalaga ang tiwala sa isang usaping kaliwaan. Nagti­tiwala ang magkabilang partido sa isa’t isa na tutuparin nila ang kanilang mga ipinangako.

Nagtitiwala tayo na magagawan ng paraan ng NHA ang isyung ito pagkatapos ilabas ng DOJ ang kanilang opinyon upang maging magandang pamasko ito hindi lang para sa opisyal at empleyado ng PCMC kundi pati na rin sa mahihirap na batang Pinoy na nakikinabang sa libre at de-kalidad na serbisyo.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Bigyang pansin ang mga nurse

Kaso ngayon, may malaki ta­yong problema dahil nasa 500,000 na ang bilang ng walang trabahong nurses sa bansa, ayon na rin sa tala ng Party List na Ang NARS.

Kaya ang ating mga nurse, kumakapit na lang sa patalim at napipilitang mangibang-bansa para sa trabahong hindi nila pinaghandaan o pinag-aralan tulad ng pagiging factory worker o ‘di kaya’y domestic helper.

Ang iba, napipilitang pumasok sa mga pribadong ospital kahit wala pa sa minimum wage ang bayad dahil na rin sa kahirapan sa buhay.

Ang iba naman na nagtatrabaho sa pamahalaan, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa pangakong hatid ng Republic Act No. 9173 o mas kilala bilang The Philippine Nursing Act of 2002, na iniakda ng namayapang senador na si Juan Flavier.

Sa ilalim ng batas na ito, lahat ng entry-level nurse na papasok sa mga pampublikong ospital ay bibigyan ng suweldong katumbas ng salary grade 15 o P24,887 kada buwan.

Sa kabila ng pagkakaroon ng Republic Act 9173, marami pa rin sa ating mga entry-level nurse ang hindi natitikman ang nasabing suweldo at nasa salary grades 11 hanggang 14.

Kaya naman kabi-kabila ang hinaing ng ating mga bidang nurse. Panawagan nila sa pamahalaan, ipatupad na ang nasabing batas para na rin sa kanilang kapakanan.

***

Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong alamin ang puno’t dulo kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod ang batas na ito.

Sa pagdinig ng Committee ng Civil Service at Government Reorganization ukol sa isyu, tinanong natin ang Department of Health (DOH) kung bakit hindi pa rin naibibigay sa mga pampublikong nurse ang suweldong itinatakda ng batas.

Sa huling impormasyon mula sa DOH, mangangailangan ng dagdag na P450 million para maipatupad ang suweldong itinakda ng Republic Act No. 9173.

Sa paliwanag ni DOH Undersecretary Teodoro Herbosa, bigo ang ahensiya na ipatupad ang batas dahil sa kawalan ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Ayon pa kay Herbosa, kung mabibigyan sila ng karampatang pondo ng DBM, handa silang ipatupad ang nasabing batas.

Inamin naman ng kinatawan ng DBM na tali ang kanilang mga kamay sa pagpapatupad ng salary grade 15 sa entry-level nurses dahil nakasisira raw ito sa hierarchy para sa mga posisyong may kinalaman sa medikal.

Kaya hiniling natin sa DBM at DOH na gawin ang mga nararapat na pagkilos upang maipatupad na ang nasabing batas.

***

Maliban sa pagsusulong natin ng salary grade 15 para sa mga pampublikong nurse, naghain din ako ng panukala na maglagay ng isang registered nurse sa bawat public school sa bansa.

Layon ng Senate Bill No. 2366 na tiyaking nababanta­yan ang kalusugan at pangangailangan sa nutrisyon ng mga Pi­lipinong mag-aaral.

Nabatid kasi na dahil dalawampung porsiyento ng populasyon ng bansa ay mahihirap, maraming mag-aaral ang nagkakaroon ng problema sa kalusugan.

Naaapektuhan ang kanilang kakayahang matuto dahil marami sa kanila ang hindi nakakapasok sa klase dahil may iba’t ibang sakit.

Kapag nagkaroon ng isang nurse sa bawat pampublikong paaralan, mabibigyang halaga ang kalusugan at nutrisyon sa paghubog sa mga mag-aaral na Pilipino.

Maliban pa rito, kapag naisabatas ang panukala ay maka­tutulong ito para mabawasan ang bilang ng mga walang trabahong nurse sa bansa.

Kaya bahagi tayo sa pagkilos para matulungan ang ating mga nurse dahil mahalaga sila sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng ating lipunan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: RescYouth

Pagkatapos tumama ng bagyong Yolanda, ilang oras din tayong na­ging bulag sa tunay na kondisyon sa ground zero.

Maliban kasi sa putol ang linya ng mga kuryente at telepono, nasira rin ang lahat ng uri ng komunikasyon kaya walang makalabas na anumang impormasyon.

Galit ang aking naramdaman dahil gusto ko mang magpahatid ng agarang tulong, wala tayong ideya sa tunay na sitwasyon sa mga nasabing lugar.

Nakahinga lang ako nang maluwag makalipas ang ilang araw nang makatanggap tayo ng impormasyon mula mismo sa ating mga kaibigan sa mga nasabing lugar.

Kaya hindi na tayo nag-aksaya ng panahon. Agad nakipag-ugnayan ang ating tanggapan sa mga kaibigan, shipping companies at Department of Social Welfare and Development para mabilis na makapaghatid ng tulong.

Sa karanasang ito, doon ko nakita na kahit ano pa ang pangyayari – maging ito man ay gawa ng kalikasan, Act of God o likha ng tao – kayang malampasan kung magtutulung-tulong ang lahat.

Mas mabilis ang paghahatid ng tulong at mas madali ang pagbangon kung tayo’y magsasama-sama at kikilos sa isang direksyon.

***

Ito ang ideya sa disaster risk reduction (DRR) consultation at workshop na ginawa ng aking tanggapan kamakailan sa Balamban, Cebu.

Tinaguriang ‘RESCYouth: Responsive, Empowered and Service-Centric Youth,’ ang dalawang araw na workshop ay ginawa sa RAFI Kool Adventure Camp at nilahukan ng humigit-kumulang 100 kabataan mula sa iba’t ibang organisasyon sa buong bansa.

Sa nasabing workshop, nagtipon ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan na bihasa sa DRR at nagkaroon ng palitan ng ideya at mungkahi ukol sa mga makabagong sistema at mga programa tuwing may kalamidad.

Sa workshop ding ito, nabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kalahok na puwede nilang ibahagi sa kani-kanilang komu­nidad upang magamit nila sa paghahanda at habang may kalamidad o anumang pinsala.

Nagbahagi si Mang Tani Cruz, ang meteorologist ng GMA News, kung paano nila kinukuwento ang mga isyu ng climate change sa taumbayan at ang mga epekto nito.

Tinalakay naman ni Mayor Sandy Javier kung ano ang mga ginawa nilang hakbang para mapaghandaan ang Bagyong Yolanda sa Javier, Leyte, kabilang ang forced evacuation para mailigtas ang lahat ng tao sa kanilang komunidad.

Ikinuwento ni Mark Lawrence Cruz ng Gawad Kalinga ang pagtitipon ng mga miyembro ng komunidad para sa kanilang relief operations at nang masiguradong lahat ay mabigyan nang aga­rang tulong.

Naging mabunga ang nasabing workshop dahil mula sa palitan ng ideya at mungkahi, ang mga kalahok ng mga programang makatutulong para mapaganda pa ang kasalukuyang sistema pagdating sa DRR.

Nangako naman ang mga kalahok na dadalhin ang mga programang ito sa kani-kanilang organisasyon at mga komunidad para maipakalat sa mas marami pang tao.

Maliban pa rito, nagkaroon din ng mas matibay na ugnayan ang mga organisasyon, lalo na sa palitan ng kaalaman at impormasyon pagdating sa DRR.

Ang mga nasabing grupo ang gagamiting sentro ng suporta ng aming tanggapan tuwing may kalamidad.

***

Kabilang sa mga lumahok sa workshop ay ilang grupo na ma­laki ang ginampanang papel sa rescue at relief operations noong Bagyong Yolanda.

Kabilang dito ang Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail o RAPID, na naging first responders sa Tacloban City.

Malawak na ang karanasan ng RAPID pagdating sa rescue at relief operations. Isa sila sa mga grupong tumulong nang magbanggaan ang dalawang barko sa Cebu noong 2013.

Tuwing may sunog, inaasahan din ang mabilis na pagresponde at paghahatid ng tulong ng RAPID.

Susi sa mabilis na pagtugon ng RAPID ang pagkakaroon nila ng ugnayan sa Philippine National Police (PNP).

Dumalo rin sa workshop ang Hayag Youth Organization na na­kabase sa Ormoc City.

Mula nang itatag noong 1985, naging mis­yon na ng grupo ang magturo ng swimming, disaster preparedness, first aid at maging open water safety training sa mga kabataan sa lungsod.

Kaya nang tumama ang Bagyong Yolanda, walang naitalang namatay sa hanay ng mga kabataan sa Ormoc City na lumahok sa programa ng Hayag.

Dahil sa programa ng Hayag na ‘Langoy sa Kaluwasan’, kinilala sila bilang isa sa Ten Outstanding Youth Organizations (TAYO) noong nakaraang taon.

***

Naniniwala ako na kapag tayo’y nagsama-sama, matatalo natin ang pinakamalalaking problema sa ating bayan, ma­ging ito man ay kalamidad o sakuna.

Kapag natugunan na natin ang problema sa kalamidad, maaari na tayong kumilos para solusyunan ang iba pang suliranin tulad ng gutom, kawalan ng edukasyon at kahirapan.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Alaala ng Bagyong Yolanda

Aabot naman sa halos P100 bil­yon ang halaga ng ari-ariang sinira ni ‘Yolanda’, kabilang na ang mga mahalagang imprastruktura at kabuhayan ng libu-libong katao.

Nag-iwan man ng malaking pinsala ang Yolanda, hindi nito nagiba ang tapang, pag-asa at pananalig sa Diyos ng mga Pilipino.

Katunayan, sampung araw lang pagkatapos ng hagupit ni Yolanda, nagsagawa agad ang daan-daang residente ng Tolosa, Leyte ng isang prusisyon.

Bitbit ang iba’t ibang imahen ng Sto. Niño, nagpakita ang mga residente ng matibay na pananampalataya at bagong pag-asa sa harap ng matinding pagsubok na kanilang nararanasan.

Kinilala ang larawang ito ng Time Magazine bilang isa sa pinakamagandang kuha noong nakaraang taon at nagwagi rin ito bilang ‘photo of the year’ sa iba’t ibang kumpetisyon.

Ngunit higit pa rito, ang larawang iyon ay tumatak at nagsilbing magandang inspirasyon sa mga Pilipino para magtulung-tulong at muling tumayo.

***

Sa paghagupit ng bagyong Yolanda, muling umusbong ang diwa ng pagtutulungan at bayanihan na likas sa ating mga Pili­pino.

Maliban sa pamahalaan, kabi-kabilang korporasyon at non-government organization ang nagpaabot ng tulong upang maibalik sa normal ang kalagayan ng mga nasalanta ng Yolanda.

Halimbawa na rito ang Project Bagong Araw, sa pamumuno ng programang Hapinoy, na aking itinayo ilang taon na ang nakalipas.

Dalawa sa mga natulungan ng programang ito ay sina Aling Weni ng Palo, Leyte at Aling Rena ng Tacloban, na parehong nawalan ng kabuhayan sa pagtama ng bagyo.

Noong una, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang dalawa. Nag-aalala kung paano bubuhayin ang kani-kanilang pamilya ngayong nawala na ang kanilang pagkukunan ng ikabubuhay.

Sa tulong ng Project Bagong Araw, nabigyan ng pagkakataon sina Aling Weni at Aling Rena na maitayo ang kani-kanilang kabuhayan.

Maliban sa puhunan, nagkaroon pa sila ng dagdag na kaa­la­man sa tamang pagpapatakbo ng negosyo na kanilang nagamit para mapalago ang kanilang mga tindahan.

Sa kasalukuyan, nabayaran na ni Aling Weni ang lahat ng kanyang utang at ngayo’y nagsisimula na ng e-loading business. Gamit ang kanyang natutunan, si Aling Rena naman ay unti-unti nang nakakapag-ipon para sa planong Internet café.

Sina Aling Weni at Aling Rena ay dalawa lang sa magandang halimbawa ng pagiging matatag sa harap ng matinding pagsubok. Napatunayan lang na kaya ng sinuman na makatayo sa sariling paa sa pamamagitan ng tamang suporta at pagkakataon.

***

Matinding pagsubok man ang tumama sa bansa, hindi pa rin nagiba ang mala-pader na dibdib ng mga Pilipino.

Sa katunayan, humanga ang maraming dayuhan at international organization sa katatagan ng mga nasalanta ng Yolanda.

‘Ika nga ni CNN reporter Anderson Cooper: “Can you imagine the strength it takes living in a shack, to be sleeping on the streets next to the body of your dead children? Can you imagine that strength? I can’t. And I’ve seen that strength day in and day out here in the Philippines.”

Marami pang kailangang gawin para maibalik sa normal ang buhay sa mga lugar na binayo ni Yolanda.

Kailangang magtulungan at magsama-sama ang lahat ng mga sektor – pambansa at lokal na mga pamahalaan, mga negos­yante, mga simbahan at mga socio-civic organizations – upang mas mapabilis pa ang rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan.

Ang pag-asa na mangyayari ang mga ito ay maaaninag natin sa puso ng mga Pilipinong nasalanta na patuloy sa paglaban at pagkayod para sa kanilang mga pamilya.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Safety tips sa Undas

Mga Bida, ngayon pa lang, marami sa ating mga kababayan ang uuwi ng mga probinsya at da­dag­sa na sa mga sementeryo bilang paghahanda sa Undas sa Sabado.

Nakaugalian na kasi nating linisin at pinturahan ang puntod ng ating mga mahal sa buhay bago pa man dumating ang Nobyembre 1.

Tiyak na makapal na ang mga sasakyan sa mga kalsadang palabas ng Metro Manila at patungo sa mga lalawigan.

Gaya rin ng nakaugalian, marami sa atin ang ngayon pa lang ay mamimili ng mga dadalhin sa sementeryo, tulad ng kandila, bulaklak, pagkain at marami pang iba.

May ibinababang suggested retail price ang pamahalaan sa kandila tuwing Undas ngunit wala para sa mga bulaklak.

Nakabatay kasi ang presyo ng bulaklak sa dikta ng merkado pati na rin sa dumarating na supply mula sa lalawigan gaya ng Benguet.

Upang makaiwas sa mga manggagantso, maging mapagbantay tayo sa kalidad at presyo ng mga bibilhing bulaklak, kandila at iba pang produkto nang maging makabuluhan ang ating Undas ngayong taon.

Maaari nating iparating sa Department of Trade and Industry (DTI) ang anumang reklamo sa mabibili nating produkto na mababa ang kalidad o sa mapandarayang negosyante.

***

Maraming panganib ang nakaamba sa panahon ng Undas, mula sa ating pagbiyahe hanggang sa pananatili natin sa mga sementeryo. Pati na rin ang mga bahay na ating iiwan ay bukas din sa anumang panganib.

Kaya nangalap ang ating tanggapan ng iba’t ibang safety tips na maaaring magamit ng ating mga kababayan para sa mas ligtas na paggunita sa alaala ng ating mga mahal sa buhay.

Hayaan ninyong ibahagi ko ang safety tips na ito para sa ating kaligtasan, pati na rin ng ating mga ari-arian.

 

Bago iwan ang bahay:

*Patayin ang kuryente sa fuse box/breaker nang hindi masunugan.

*Huwag mag-iwan ng nakasinding kandila.

*Tiyaking nakasara ang kalang de-gas.

*Siguraduhing nakasara ang mga gripo ng bahay.

*Siguraduhing nakakandado ang mga pinto at bintana para ‘di manakawan.

 

Sa bibiyaheng may sasakyan:

*I-check ang brake, mga ilaw, langis, tubig at gas ng sasakyan, at hangin ng gulong.

*Magdala ng isa pang gulong, jack, early warning device at akmang tools ng sasakyan.

*Huwag mag-overload at ilagay nang maayos ang mga gamit lalo na kung nasa itaas ng sasakyan.
Sa bibiyahe:

*Bumili kaagad ng tiket nang hindi maubusan.

*I-charge ang mga cellphone.

*Dumating nang maaga sa pantalan o terminal nang hindi maiwan ng sasakyan.

*Laging ingatan ang tiket.

*Magdala lamang nang kaunting gamit.

*Iwasang magsuot ng alahas.

*Laging bantayan ang mga gamit.

*Maging alisto sa mga magnanakaw.

*Magdala ng tubig at pagkain para sa biyahe.
Sa pupunta ng sementeryo:

*Magpunta nang maaga sa sementeryo at puntod.

*Magdala ng payong, pamaypay, tubig, pagkain at damit pampalit.

*Iwasang magdala ng matatalas na gamit at alak.

*Bantayang mabuti ang mga bata nang hindi mapalayo o mawala.

*Iwasang magdala ng radyo at pansugal.

*Huwag iwanang nakasindi ang mga kandila.

*Ipunin ang mga kalat at itapon sa basurahan bago umalis.

***

Kailangang maging alisto sa mga ganitong panahon upang maging ligtas ang paggunita sa alaala ng ating mga mahal sa buhay.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Tapusin na ang hate crimes

Mga Bida, sari-sari ang mga lumitaw na opinyon at panukala kasunod ng karumal-dumal na pagpatay kay Jennifer Laude sa Olongapo City kamakailan. Sigaw ng iba, ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil sa probisyon nito na nagbibigay ng karapatan sa Estados Unidos na kunin ang kustodiya ng mga sundalo nilang nasangkot sa krimen sa Pilipinas.

Ang iba naman, hiniling sa pamahalaan na ipilit na makuha ang kustodiya kay PFC Joseph Scott Pemberton, ang suspect sa pagpatay kay Laude.

Ngunit, tingnan din natin ang isyu ng hate crime laban sa lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) community.

Ang pagpatay kay Jennifer ay bunsod ng hate crime na umiiral sa ating lipunan.

Ang hate crime ay karahasan na ginagawa sa mga minority groups o marginalized na sektor ng ating lipunan, tulad sa mga indigenous people o sa kasong ito, sa ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Sa ulat ng Philippine LGBT Hate Crime Watch, mayroong 164 na miyembro ng LGBTs sa bansa ang pinatay mula 1996 hanggang Hunyo 2012.

Sa ginawa namang pag-aaral ng UN Development Program at ng US Agency for International Development noong 2011, may 28 kaso ng pagpatay na may kinalaman sa lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Ngayong taon pa lang, may 14 na transgender na ang pinatay bunsod ng hate crime, ayon sa Transgender Association of the Philippines.

Nakakabahala ang mga detalyeng ito dahil sa panahon nga­yon, wala nang lugar ang hate crime sa isang sibilisadong lipunan.

***

Sa ibang mga bansa, itinulak na nila ang pagsasabatas ng anti-hate crimes upang sawatahin ang ganitong uri ng karahasan.

Sa Estados Unidos, ang unang mga batas na may kinalaman sa hate crime ay ipinasa pagkatapos ng American Civil War. Kabilang dito ang Civil Rights Act of 1871, na layong laba­nan ang mga krimen na may kinalaman sa lahi.

Noong 1978, ipinasa ng California ang unang state hate-crime statute na may kaugnayan sa relihiyon, kulay, lahi at pinagmulang bansa.

Noong 2009 naman, inaprubahan ni President Barack Obama ang Matthew Shepard and James Byrd, Jr. Hate Crimes Prevention Act, kung saan isinama ang lahi, sexual orientation, kasarian o kapansanan sa mga saklaw ng hate crimes.

Ang iba pang bansa na may hate crime laws ay Canada, France, Germany, Greece, Spain at United Kingdom.

***

Sa ngayon, wala pang batas sa Pilipinas na nagpapataw ng mabigat na parusa sa hate crime.

Kaya aktibo ang aking tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa LGBT community upang mapalakas ang inihain nating Senate Bill No. 2122 o ang Anti-Discrimination Act of 2014.

Itinutulak natin ang pagbabawal ng anumang uri ng diskriminasyon batay sa kasarian o sexual orientation, lahi, relihiyon, kulay, edad, civil status, HIV status at iba pang kondisyong medikal.

Patuloy tayo sa pagkilos upang magkaroon ng bansang kumikilala sa karapatan ng bawat Pilipino at maprotektahan ang karapatan ng lahat, pati na rin ang ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Corrupt na Emission Testing Centers

Mga Bida, isinabatas ang Clean Air Act noong 1999 upang protektahan ang publiko sa panganib ng polusyon.

Nakapaloob sa nasabing batas ang mga hakbang para mapaganda ang kalidad ng hangin, para na rin sa kalusugan ng lahat.

Ngunit labinlimang taon na ang nakalilipas mula nang ito’y ipatupad, wala pa rin tayong nakikitang pagbabago sa kalagayan ng hangin.

Sa halip na gumanda, lumalala pa ang polusyon sa hangin sa bansa, lalo na sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship na aking pinamumunuan, nabatid na naglalaro sa 136 micrograms kada normal cubic meter (ug/Ncm) ang polus­yon sa hangin sa Metro Manila.

Ayon pa sa kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nasabing numero ay malayo sa normal na nibel na 90 ug/Ncm.

Subalit laking gulat ko nang sabihin ng DENR na walumpung porsiyento ng pinagmumulan ng polusyon sa hangin ay mga sasakyan.

Naitanong ko tuloy kung ano pa ang silbi ng mga private emission testing center (PETC) na siyang inatasan ng batas upang suriin kung ligtas ang ibinubugang hangin ng mga sasakyan.

Sa tagal nang mayroong mga PETCs, dapat ay mayroon nang magandang pagbabago sa kalagayan ng hangin at nibel ng polus­yon sa bansa. Hindi yata tama ito.

***

Ilang buwan na ang nakalipas, mga Bida, naghain ako ng reso­lusyon upang silipin ang kalagayan ng mga PETCs sa bansa.

Nais nating malaman kung sila ba’y nakasusunod sa kanilang tungkulin o kung epektibo pa ang sistemang ito sa pagsugpo sa polusyon.

Sa Senate Resolution 734 na aking ipinasa, hiniling ko sa kaukulang komite na imbestigahan ang mga ulat na ilang PETCs ang gumagawa ng ilegal na mga gawain.

Kabilang sa mga ilegal na gawain nila ay ang non-appearance scheme o ghost testing ng mga sasakyan kapalit ng mas mala­king bayad.

Dahil sa ginagawang kabalbalan ng mga tiwaling PETC, nawawalan tuloy ng saysay ang Clean Air Act. Sa halip na luminis ang hangin, lalo tuloy itong napapasama dahil nakakalabas sa lansangan ang mga sasakyang nagbubuga ng maruming hangin.

***

Sa pagdinig kamakailan, napatotohanan ang mga ulat na ipinaabot sa akin dahil ayon mismo sa Land Transportation Office (LTO), ilang PETCs na ang kanilang pinagmulta at sinuspinde dahil sa ilegal na gawain.

Binanggit mismo ng LTO na ilang emission centers ang nagpapadala ng mga pekeng fake emission result at larawan sa ahensiya para palitawing sumailalim na sa pagsusuri ang isang sasakyan.

Gamit ang makabagong teknolohiya sa photo editing gaya ng Photoshop, pinapalitan ng tiwaling emission centers ang plate number ng mga sasakyan para masabing dumaan na ito sa pagsusuri.

Ang masakit nito, napakagaan lang ng parusang itinatakda ng batas sa mga tiwaling center. Pinagmumulta lang sila ng P30,000 maliban pa sa 30 araw na suspensiyon.

Magaan lang ang parusang ito kung titimbangin ang bigat ng ginagawa nilang kabulastugan. Nilalagay na nila sa alanganin ang kalusugan ng maraming Pilipino, napapasama pa ang ating kalikasan.

Kaya hiniling natin sa LTO na patawan ng mabigat na parusa ang mga corrupt na emission center at sampahan pa ng kasong kri­minal gaya ng falsification of public document para sila’y madala.

Kailangan nating itama ang sistemang ito dahil lalo lang mapapariwara ang kalikasan kung hahayaan natin silang mamayagpag.

Sabi nga ng tauhan ng DENR, kung lahat ng sasakyan ay susunod lang sa itinatakdang pamantayan ng Clean Air Act, magi­ging normal sana ang hangin sa Metro Manila.

Maliban pa rito, malalayo pa ang publiko sa sakit na dulot ng polusyon. Sa ngayon kasi, mga Bida, nangunguna sa sakit na pumapatay sa maraming Pilipino ay may kinalaman sa respiratory system.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top