Author: teambam

BIDA KA!: Mga buwitre at along the way fees

Mga Bida, noong Martes, nagsagawa tayo ng ocular inspection sa Port of Manila upang tingnan kung may update na ang pagsisikap ng pamahalaan at pribadong sektor na paluwagin ang pantalan. Natuwa naman tayo sa ating nakita dahil nagbunga ang pagsisikap ng Task Force Pantalan, na binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna nina Secretary Rene Almendras at Trade Secretary Gregory Domingo.

Sa ating pagbisita, nakita natin na marami nang nabawas na mga container van na nakatambak sa pantalan kumpara noong nakaraang mga linggo, at patunay na positibo ang ginawang mga pagkilos ng Task Force Pantalan.

Malaking pagbabago ito dahil ilang buwan lang ang nakalipas, mistulang parking lot ang ating mga pantalan at napakabagal ng proseso na nakadagdag pa sa mga hadlang sa paglalabas ng kargamento.

Ngayon, maluwag na ang ating mga pantalan, wala nang trapik at malaya nang makapaglabas-masok ang mga truck na nagdadala ng kargamento.

Malaki rin ang naiambag ng bagong sistema ng mga port operators sa pagpapaluwag ng pantalan at pati na rin sa trapiko.

Dati, parang mga langgam na nakapila ang mga truck sa labas ng pantalan at naghihintay ng maihahatid na kargamento.

Ngayon, may ticketing system na ang mga port operator sa mga truck para hindi na sila umalis sa garahe kung wala pang ihahatid na kargamento.

Mainam ito dahil hindi masasayang ang oras sa paghihintay, nababawasan pa ang trapiko sa Kamaynilaan.

Kung susundin ang dating sistema, nagpupunta ang mga truck sa pantalan kahit na hindi sigurado kung may kargamentong dadalhin.

Kaya tumatambay lamang ang mga truck na ito na nakadaragdag sa trapik sa daan.

***

Sa kabila ng mga positibong pangyayaring ito, marami pa ring negosyanteng nagrereklamo na mabagal pa rin ang proseso.

Mukhang noong kasagsagan ng pagsisikip sa port, maraming mga buwitre ang nakatunog at nakaamoy sa problema kaya gumawa ng raket at pinagkakitaan ang sitwasyon.

Upang matugunan ang mga problemang ito, may dalawang pagbabago tayo na nais ilabas sa susunod na pagdinig sa October 16 upang mapabilis pa ang proseso sa ating mga pantalan.

Una, tingnan ang mga prosesong legal kung ito’y akma pa sa kasalukuyang panahon o kung ito’y nakakabagal sa takbo ng sistema.

Kasama na rito ang pagpapadali sa mahaba at mabusising mga patakaran ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na madalas inirereklamo ng mga negosyante.

Ikalawa, dapat tiyakin na walang ilegal na proseso o tran­saksiyon na nakakabagal sa proseso sa paglalabas ng kargamento sa pantalan.

Kung inyong maalala, mga Bida, idinaing ng isang negos­yante sa unang hearing ukol sa port congestion ang tinatawag na ‘along the way fees’ na sinisingil sa kanila, pati na rin sa truckers at shipping companies.

May mga nangongolekta pa ng mula dalawang libong piso hanggang apat na libong piso sa mga trucker para lang makapila at makapasok sa pantalan.

Hindi alam ng mga buwitreng ito na hindi ang trucker, shipping companies o ang gobyerno ang kanilang iniisahan at ninanakawan, kundi ang taumbayan na maaapektuhan sa pagtaas ng produkto dahil sa kanilang ilegal na gawain.

***

Kaya nananawagan ako sa lahat, mula sa shipping lines, truckers, ahensiya ng pamahalaan at port operators na magtulungan upang maayos pang lalo ang sistema sa ating pantalan at matiyak na maayos ang daloy ng produkto sa merkado.

Kapag maayos ang dating ng produkto, tiyak na hindi aalagwa ang presyo at magiging abot-kaya ang bilihin sa ating mga kababayan.

Panawagan ko rin sa mga nabiktima ng mga tiwaling tauhan ng pamahalaan sa pantalan na magsumbong sa WASAK o Walang Asenso sa Kotong Hotline (16565 at 0908-8816565).

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Sulat ng mga OFWs

Mga Kanegosyo, may natanggap tayong mga sulat mula sa kababayan nating mga overseas Filipinos na masugid na nagbabasa ng ating kolum.

Hayaan niyong bigyang daan natin ang kanilang mga liham ngayong linggo. Narito ang kanilang mga sulat:

***

Kanegosyong Bam,
 
Gusto ko po sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa pagnenegosyo. Nandito po ako sa abroad ngayon at ang asawa ko po ang naiwan diyan sa Pilipinas.

Ano po ba ang magandang pasuking negosyo? Sana po matulungan ninyo ako at ang asawa ko para po hindi na ako magpaalila habambuhay dito sa ibang bansa.

Kung sakali pong mabibigyan ninyo ako ng payo, uumpisahan ko na pong pag-ipunan ang magiging kapital.
Maraming salamat po.

Gigi

***

Kanegosyong Bam,
 
Kasalukuyan akong nagtatrabaho po rito sa Qatar. Nabasa ko po yong post ninyo sa Abante. Gusto ko na po bumalik ng Pilipinas at mag for good kasi dito sa ibang bansa, hindi po ako umaasenso at kulang pa po iyong sahod ko para sa pamilya ko.

Kaya gusto ko na po mag for good diyan at mag start nang kahit maliit na negosyo man lang basta’t may pagkakitaan.

Taga-Agusan del Norte po ako. Baka mayroon po kayong maitutulong sa akin Ang hirap po sa abroad. Malayo ka sa pamilya mo tapos iyong kinikita mo ay kulang pa para sa kanila. Kaya naisip ko po magnegosyo.

–Jiovannie

***

Mga Kanegosyo Gigi at Jiovannie, maraming salamat sa inyong mga sulat.

Alam ninyo, madalas na iyan ang itinatanong sa aming opisina, “Ano ba ang magandang negosyo?”

Pero sa totoo lang, hindi maganda kung basta na lang kaming magmumungkahi ng uri ng negosyo nang hindi inaalam kung ano ang inyong kalagayan at kondisyon.

Una sa lahat, gaya ng una nating kolum dito, kailangan muna nating alamin ang inyong lokasyon.

Ikalawa, dapat din naming malaman kung ano ang kakayahan ninyo. Gaano kalaki ang inyong puhunan at kung sasakto ba ito sa iniisip na negosyo?

Ikatlo, lalo na para sa ating mga kababayan sa abroad, sino ang magpapatakbo ng negosyo rito sa Pilipinas? May karanasan ba siya o kakayahan na patakbuhin ang pinaplano ninyong negosyo?

Ikaapat, ano ang raw materials sa inyong lugar na murang mapagkukunan at ikalima, may merkado ka bang mapagbebentahan ng iniisip na produkto o serbisyo?

Hindi madali ang pagbibigay ng payo sa pagnenegosyo. Hindi ko puwedeng sabihin na magbenta kayo ng lechong manok o magtayo ng sari-sari store sa inyong bahay.

Hindi ganoon kadali magpayo dahil napakaraming kailangang isiping mga kundisyon kung magtatayo ng negosyo.

Ito ang dahilan kung bakit natin itinatag ang Negosyo Center. Sa ating naipasang batas na Go Negosyo Act, magtatalaga ang bawat munisipalidad, lungsod at probinsya ng Negosyo Center para sagutin ang mga ganitong uri ng mga katanungan ng ating mga kababayan.

Sa Negosyo Center, may mga taong puwedeng magbigay ng tamang payo sa pagnenegosyo tulad ng tamang lokasyon, produkto, kung saan makakakuha ng pautang at iba pang katanungan sa pagnenegosyo.

Isa iyang mahalagang aspeto sa pagiging matagumpay na negosyante – ang may makausap kang eksperto na gagabay at makakapagbigay ng tamang payo.

Mahalaga na makakuha ng akmang payo sa inyong pangangailangan at hindi “generic advice” lang nang mahuli ang tamang diskarte sa inyong gagawing negosyo.

***

Para sa mga tanong, tips o sariling pagbabahagi tungkol sa pagnenegosyo, mag-email sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

 

First published on Abante Online

 

 

7 Things that We Should be Proud of as Filipinos (but probably didn’t know)

Ngayong Araw ng Kalayaan, masarap ipagmalaki ang pagiging Pinoy natin. Bukod sa mga napakagandang mga isla at walang katulad na Filipino hospitality, may ilan pang mga bagay na proudly Filipino!

 By ListAvengers

1. Husay Pinoy. Maraming mga Pilipino ang nagpapakitang-gilas sa industriya ng arts, design at business. Pinoy ang ilan sa mga pinagkakatiwalaang designers at game developers, hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Oh ‘di ba, hindi lang tayo sikat sa computer games, tayo pa ang gumagawa ng games. 

Sa business naman, kinikilala din sa buong mundo ang mga social entrepreneurs ng Pilipinas tulad na lang ni 2015 Forbes 30 Under 30 Reese Fernandez-Ruiz ng Rags2Riches.

Sa larangan naman ng pelikula, nakapasok muli kamakailan sa prestihiyosong Cannes Film Festival ang pelikula ng batikang direktor na si Brillante Mendoza na minsan ng nagwagi bilang kauna-unahan at tanging Pinoy na Best Director award sa nasabing film festival.

brillantemendoza

2. Produktong Pinoy. Ang Philippine cocoa ang isa sa mga pinagkakatiwalaang source para sa paggawa ng chocolate ng ilang mga dayuhang kumpanya. Isang patunay na ang cocoa ng Pilipinas ay world class, ang Malagos 100% Premium Unsweetened Chocolate ay nakakuha ng bronze award sa Academy of Chocolate Awards sa London ngayong taon.

Ang Pilipinas din ang tinaguriang largest producer ng coconut sa buong mundo. Talagang nakaka-proud ang produkto ng Pinas!

 malagoschocolate

3. Buhay Pinoy. Isa ang Pilipinas sa may pinakamalaking growth sa ASEAN sa aspeto ng ekonomiya, dahil na rin siguro sa mga Pilipinong patuloy na nagnanais maka-angat sa buhay. Magaling makisama, natural na matulungin at maasikaso sa kapwa, ilan lamang iyan sa mga katangian na palaging inuugnay sa mga Pilipino.

Pansinin na lang ang mga Filipino community sa ibang bansa, hindi magkakakilala pero nagsasama-sama. Ang Pilipinas din ang isa sa may pinakamataas na gender equality index ayon sa World Economic Forum Report.

 Kaya naman isa sa mga probinsya sa Pilipinas ang napabilang sa listahan ng Forbes Top 10 Best Places to Retire in the World. Dumaguete ang nakakuha ng no. 5 na slot.  

dumaguete

4. Sayang Pinoy. Napansin ninyo na ba ang nagkalat na mga hugot na meme sa social media? Eh ang mga viral video ng mga nakakatawang dubsmash o trending dance craze? Kahit maliit na bagay ay kayang pagmulan ng kasiyahan basta may Pilipino sa usapan.

Ang mga Pinoy ay natural na masayahin, kayang ngitian ang anumang problemang pinagdadaanan. At dahil diyan, ang Pilipinas ay nakakuha ng mataas na happiness index ayon sa pag-aaral ng Gallup’s Positive Experience Index. Ngayong 2015 ay nasa rank 5 ang Pilipinas sa pinakamasayang bansa sa buong mundo!

happiestcountries 

5. Biyaheng Pinoy. Ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla kaya kahit saang sulok ka magpunta ay may magandang beach o view na puwedeng ma-enjoy. Sikat ang Pilipinas bilang isa sa mga destinasyon sa Asya na talagang dinarayo para sa magagandang tanawin o unique experience.

Pero bukod dito, isa sa mga pwede natin ipagmalaki ang naimbentong Aurelio supercar ng isang grupo ng kabataan sa San Pedro, Laguna. Hindi man ito kasing level ng Ferrari pero kung naiisin mong mag-road trip sa magagandang isla sa bansa, mas may dating kung ito ang kotseng iyong dadalhin.

aureliosupercar

6. Puwersang Pinoy. Sino ba ang makakalimot sa EDSA People Power Revolution noong 1986? Isa ito sa pinaka-influetial na pangyayari sa ating kasaysayan. Dito nagsama-sama ang mga Pilipino para sa iisang layunin, ang makamit ang demokrasya sa Pilipinas.

 Ang puwersang Pinoy ay ‘di lang nagtapos noong 1986. Ilang people power ang sumunod dito at kahit sa modernong panahon ngayon, palagi pa rin nating ipinapakita ang spirit ng peaceful revolution.

Isa sa magandang halimbawa ang pagsasama-sama ng mga kabataang Pinoy sa panahon ng kalamidad o kahit sa simpleng pagtulong sa bayan. Hindi man ito bagong konsepto pero isa ito sa palagi natin dapat alalahanin na talagang nakaka-proud as Pinoy!

 EDSA

7. Labang Pinoy. Bahagi na ng buhay ng isang Pinoy ang sports. Sino ba naman ang hindi nakakilala kay Manny Pacquiao na kayang pagka-isahin ang buong Pilipinas tuwing sasampa sa ring?

Pero hindi lang siya ang atleta na dapat nating kilalanin. Maraming Pinoy ang nag-eexcel sa iba’t ibang sports competition. Sa SEA games na lang na kasalukuyang ginaganap sa Singapore, ilan na sa mga hindi ganoong kakilalang atleta ang nakakuha na ng ginto!

seagames2015

Kung mayroon kayong naiisip na lis7ahan at nais maging miyembro ng Listavengers, mag-e-mail sa team.bamaquino@senado.ph!

After Long Wait, Congress Ratifies Act Penalizing Cartels, Abuse of Dominant Positions

“Historic, game-changing for our economy,” Sen. Bam Aquino describes the Philippine Competition Act after its ratification.

 After three decades of waiting and 30 hours of bicameral conference hearing, Congress has finally ratified the Philippine Competition Act that penalizes bad market behavior and abuse of dominant positions.

“If enacted into law, the measure will create a level playing field, whether big or small, when it comes to market opportunities,” said Sen. Bam Aquino, chairman of the Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.

For almost thirty years, the Philippines has remained one of few countries that does not have a valid competition policy that will protect its consumers and private industries.

“It has been one of the longest running bills in our history,” Sen. Bam said, as the first competition policy was filed in the 8th Congress.

After World War II, Japan passed its Original Antimonopoly Law in 1947 while the United Kingdom passed its Monopolies and Restrictive Practices Act in 1948.

Other ASEAN countries have also passed their respective competition laws, starting with Indonesia and Thailand in 1999, Singapore in 2004, Vietnam in 2005, and Malaysia in 2012.

“This is primary a huge victory for millions of consumers, who, in the end, will be the ultimate beneficiaries of this measure,” added Sen. Bam, whose Senate Bill No. 1027 or the Philippine Competition Act was among the measures consolidated under Senate Bill No. 2282.

President Aquino is expected to sign the measure into law as it is one of his administration’s urgent measures.

Sen. Bam said the Philippine Competition Act is expected to eliminate cartels, and penalize anti-competitive agreements and abuses of dominant players in the markets that lead to high prices of goods and services.

“In addition, the Philippine Competition Act promotes a culture of healthy competition that inspires ingenuity, creativity, and innovation in addressing market needs,” Sen. Bam said.

“We need more players in our markets, so that the quality of products and services increases, and prices of goods would then go down,” Sen. Bam added.

 The measure will also prohibit anti-competitive agreements and abuses of dominant position that distort, manipulate, or constrict the operations of markets in the Philippines.

“We thank the hard work of our fellow senators and our congress counterparts in coming up with a solid bill that will further help our economy down the road,” Sen. Bam emphasized.

Sen. Bam also credited the late Rep. Henry Cojuangco for actively pursuing the bill’s House version. Cojuangco died from aneurysm, hours before the bill hurdled the second reading at the House of Representatives last May 12. 

“Panalo ang taumbayan dahil sa pagpasa ng panukalang ito,” the senator highlighted.

“We would like to tell the world that with the Philippine Competition Act, our country is now open for business,” Sen. Bam happily declared.

Bam on his Year 2 Accomplishments (Transcript of Interview)

Well, ito pong mga batas po naming ito, alam ninyo po, dalawa po itong committee po natin.  Ang una sa Youth, tsaka iyong Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.  Kaya kung napapansin po natin, lagi po ang ating usapin ay usaping pang-kabataan at usaping pang-negosyo. 

Kaya gusto ko po sanang ireport na hindi po nasayang ngayon sa pangalawang taon ko po dito sa Senado.

Responsive, Empowered Service-Centric Youth Act of 2015

Meron po tayong dalawang napakagandang batas na umuusad. Iyong isa po riyan, yung tinatawag nating RESCYouth.

Ito po iyong batas at napasa na po on third reading. So actually hinihintay na lang po natin iyong counterpart sa Kongreso.  Ang nakalagay po rito, na sa ating NDRRMC, iyong ating National Disaster Risk Reduction Management Council, kinakailangang may kinatawan ang mga kabataan.

Nakita po kasi namin na, sa bawat delubyong nangyayari ay mga kabataan iyong mga kauna-unahang volunteer, eh ‘di ba kabataan.  Sino ba iyong nagpupuno roon sa mga repacking stations natin, ‘di ba iyong mga kabataan?

Nakita rin naming na marami ring mga youth groups na nagbibigay ng first aid, sumasama sa red cross, nagtuturo ng mga CPR, iyong paglangoy, so marami po talagang kabataan ang involved, pero hindi sila involved sa pagpaplano ng disaster risk management.

Lahat po ng ating Disaster Management Councils, magkakaroon po ng youth representative.

Iyong kaalaman, experiences, pwedeng maibahagi ng kabataan, mapapasama na po sa National Councils, sa NDDRMC, Provincial Councils, City Councils, Municipal Councils, kahit Baranggay Councils kasi mayroon na dapat po tayong mga konseho pagdating sa pagmanage ng mga delubyo sa ating bansa.

Youth Entrepreneurship Act

Itong pangalawa po, ratified na, pirma na lang po ng presidente natin ang kailangan. So we’re hoping, bago po mag SONA, pirmado na po ito.

Ito po iyong Youth Entrepreneurship Act.  Ang kapartner po namin dito ay si Br. Armin Luistro at Deptartment of Education.

Napapansin po kasi namin na, pagdating po sa mga kabataan, mahalaga po talaga, iyong financial literacy o kaalaman sa paghawak ng pera at mga kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa ngayon, sama-sama po iyan sa financial literacy, savings, investments, kaalaman sa pagtatayo ng sariling negosyo.  Maituturo na po finally sa ating educational system kasi po ‘di ba laging batikos sa ating educational system ay tinuturuan ka naman maging empleyado, kumbaga hindi tinuturuan para magtayo ng negosyo.

Maisasama na po iyan sa K to 12 at kadikit po niyan, magkakaroon po tayo ng fund para yung mga gustong magnegosyo na mga kabataan especially yung nasa K to 12 pwede pong mabigyan ng DepEd nang kaunting start up capital.  Hindi teorya lang yung kanilang pagtuto tapos magkakaroon pa po sila ng praktikal na kaalaman sa pagtatayo ng negosyo.

   

Sa mga Umuutang

Sanay na tayo na “ay umuutang lang iyan,” kahit iyong mga pinakamalalaking kumpanya umuutang, kahit po itong bansa natin, umuutang rin yan. Hindi po masama ang umutang, ang masama po ang umuutang ka ng hindi mo kayang bayaran.

O masama iyong umutang ka, na hindi mo naaral yung mga terms o laki ng interest.  Kahit 5-6, pero kung umuutang ka sa maayos na institusyon, hindi ho masama iyon, so iyong mga kaalaman ay mahalagang malaman ng ating mga kabataan.

We’re hoping na makatulong ito para bumaba ang bilang ng mga kabataang walang trabaho.

Foreign Ships Co-Loading Act

Mayroon po tayong batas noon na nagsasaad na kapag ikaw ay isang foreign ship, hindi ka puwedeng dumaong sa lahat ng ports ng Pilipinas.

Noon po, pag foreign vessel ka, mayroon kang i-import. Usually pipili ka lang ng isang puwedeng pagdaungan, usually Metro Manila iyan. Although international ang Davao at Cagayan de Oro, pero usually dito lang po iyan sa Metro Manila.

Kaya karamihan ng ships nasa Metro Manila kaya noon nagkaroon ng port congestion kung saan nagtaasan ang presyo ng bilihin dahil sobrang inefficient ng ating sistema.

Ngayon po, puwede nang dumaong ang ships sa multiple ports basta’t hindi siya kumukuha ng domestic goods. Kumbaga po, meron kang imported na goods, kunwari mayroon kang imported na mani, puwede kang mag-drop off sa Manila, puwede kang mag-drop off sa Cebu at sa Cagayan de Oro, hindi na lang sa iisa.

Kung kukuha ka naman, kailangang i-export mo ito patungong foreign port. Hindi ka puwedeng kumuha ng produkto sa Cagayan de Oro patungong Maynila. Para mabago po iyan, kailangang mabago ang Constitution dahil mayroon po tayong proteksiyon.

Pero pagdating sa importation at pag-e-export, puwede na po kayong kumuha kung foreign vessel ka.

Magmumura iyong cost natin ng pag-import at pag-export kasi hindi ka na kailangang mag-drop-off. Wala nang double handling. Now, bababa po niyan ang cost ng ating logistics.

Now, kahit naman po iyong local products natin, may mga imported raw materials iyan so makikita natin may mga porsiyento diyan dapat bumaba ang presyo at magsimula ang pagbaba ng presyo ng bilihin o di kaya’y makakatulong po iyan sa para hindi tumaas ang presyo ng bilihin.

To quote Venus Raj, “Major! Major!” po ang batas na ito kasi matagal na po itong gustong itulak pero hindi maipasa-pasa. Naipasa po namin lahat ng cargo lahat ng foreign ships.

Isipin niyo po, nag-e-export po tayo. We try to be competitive pero iyong cost ng pagdala ng produkto palabas, napakamahal. At the end of the day, iyon po ang hinahabol natin dito, ang magmura ang bilihin.

Philippine Competition Act

Eto po, for the second year ko po makakaa-apat po tayo. Ito po ang pangako natin na ito pong Philippine Competition Act, masabi ko na isa ito sa major, kung hindi man pinaka-major sa 16th Congress.

24 years na po ito sa Kamara, 24 years na hindi maipasa-pasa and dapat po 80 years na noong nakapasa tayo ng Philippine Competition Act.

Iyong mga ibang bansa po, marami po sa kanila, after World War 2 nagkaroon ng competition.  Ang Japan after World War II, devastated sila, doon nila binuo ang competition act para maging patas-patas ang pag-angat ng mga negosyo sa kanilang bansa.

Ito pong Philippine Competition Act, nakalagay po na walang anti-competitive agreements o agreements between companies na makakasama sa kompetisyon sa ating merkado o iipitin ang ibang players, especially ang maliliit.

Iyong pagiging monopolyo mismo, hindi po iyan pinagbabawal. Ang bawal ay naging monopolyo ka dahil nang-aabuso ka. Mahalaga po na mayroon po ang batas na ito.

Isa pang nilalabanan nito ang cartel. Halimbawa, negosyante ng garlic mag-uusap-usap na huwag munang maglabas ng produkto. Hintayin natin itong tumaas ang presyo, doon natin banatan ang merkado.

Ang tawag po diyan, price fixing. Iyan po very clear na pinagbabawal ng batas na ito. Pag ginagawa mo iyan, hindi iyan fair sa consumers. Hindi rin fair sa ibang traders o ibang businesses na nasa merkado mo.

Bawal na po ang cartel, iyong competitive agreement, ang pang-aabuso ng malalaking kompanya o abuse of dominant.

Bubuo tayo ng Philippine Competition Commission na quasi-judicial. Ibig sabihin po may mga kaso na puwedeng ilapit sa komisyon na iyon, at sasabihin nila, may bawal dito, puwede mong multahan iyong mga kompanya.

Puwede mong multahan kung kriminal na iyan. Kung cartel, puwede mong ilapit sa DOJ, may prison time na iyan. Ito’y karaniwan sa iba’t ibang bansa mundo.

Kakaunti na lang po ang walang competition law. Ito po’y hindi bago sa mundo pero bago po sa ating bansa, na ngayon lang tayo nagkaroon ng batas tungkol dito.

Ano po ang analogy natin dito? Kasi usong-uso ang NBA Finals, kumbaga po noon, sa barangay covered courts lang tayo naglalaro.

Kasi ang ekonomiya natin simple lang noon kaya pambarangay lang tayo. E ngayon po, gumaganda na ang ekonomiya ng Pilipinas, nag-PBA at NBA level na tayo.

Pag sa barangay lang naglalaro, walang referee, kayo-kayo lang iyon. Hindi malinaw ang rules, kanya-kanya kayo.

Pero kung gumaganda na ang ekonomiya niyo, kung nasa PBA ka na, o nasa NBA ka na, kailangan na ng referee.

Ang referee po dito, ang Philippine Competition Commission. Hindi po siya nandiyan para ipitin ang mga naglalaro. Nandiyan siya para masiguro na maayos ang pakikitungo ng bawat grupo at patas ang laban.

Kunwari, isa kang Cleveland Cavaliers at mayroon kang LeBron James ay sobrang galing mo. Hindi ka puwedeng mambalya, hindi ka puwedeng maniko, tatawagan ka ng foul. Ooppss bawal iyan. Puwede kayong mag-compete pero sa tamang patakaran.

Usually po ang bicam dalawang oras, ito po apat na araw, 30 hours ang bicam pero alam niyo po, I’m proud of this bill.

Nagtulungan po diyan ang Congress, ang Senate, DTI, DOJ at NEDA. Tulung-tulong po kami para maipasa ang batas na ito. Ito po ang handog namin sa maliliit na negosyante.

Our small players na usually binu-bully ng mga malalaking kompanya, iyong ating consumers na kapag may cartel, usually mataas ang bilihin. Ito po iyong handog namin sa inyo na magkaroon ng patas-patas na presyo ng bilihin, patas-patas na rules at hindi ho tayo namamanipula ng ilang grupo sa binabayaran nating produkto.

BIDA KA!: Made in Taiwan

Mga Bida, kamakailan, binisita ko ang Taiwan, kasama ang ilang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), upang pag-aralan ang mga sistema at tulong na ginagawa ng pamahalaan para sa kanilang mga negosyante.

Sa Taiwan, tinitiyak ng pamahalaan na natutugunan ang mga pa­ngangailangan ng maliliit na negosyo o micro, small at medium enterprises (MSMEs) na siyang pinakamalaking haligi ng kanilang malakas na ekonomiya.

Kasama ang DTI, dinalaw namin ang Small and Medium Enterprise Agency (SMEA), ang ahensiya ng pamahalaan na siyang nangunguna sa pagsuporta sa 1.3 milyong SMEs.

***

Ayon sa mga nakausap namin, mayroon silang call center, local service, regional at national desk na parang one-stop-shop kung saan maaaring makuha ang lahat ng kailangang tulong.

Halos pitumpung porsiyento ng kanilang natutulungan ay pawang maliliit na negosyo na simple lang ang pangangaila­ngan.

Kadalasan, ang mga tanong na kanilang nakukuha sa mga ito ay may kinalaman sa pagkuha ng puhunan, permit at kung saan puwedeng ibenta ang kanilang mga produkto.

Pinaglalaanan naman ng todong tulong at pagtutok ang 25 porsiyento ng negosyo na pasok sa kategoryang small at medium.

Mula sa pagtatayo, pagbibigay ng puhunan at pag-uugnay sa merkado, ibinibigay ng pamahalaan ang sapat na tulong upang matiyak ang kanilang tagumpay hanggang sa world market.

Ang huling limang porsiyento naman ay tinatawag na ‘high flyers’ na siyang ginagamit na modelo na gagabay sa mga papasimulang negosyo.

***

Sa pagpapatibay ng mga SMEs, patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Taiwan.

Kung susumahin ang kinikita ng buong Taiwan at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Taiwanese ay may kitang $20,000 kada taon.

Kung susumahin naman ang kinikita ng buong Pilipinas at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Pili­pino ay may kita lamang na $2,800 kada taon.

Kung porsiyento ang titingnan, mas marami ring Taiwanese ang nagtatrabaho sa MSME sector, nasa 78 percent kum­para sa 62 percent lang sa Pilipinas.

Sa mga numerong ito, patunay lang na hindi pangmahirap ang pumasok sa maliliit na negosyo o mga MSME gaya ng paniwala ng iilan. Maaari rin itong maging pundasyon ng isang first-world country tulad ng nangyari sa Taiwan.

***

Sa Taiwan, nakita ko na walang nararamdamang pangamba o alinlangan ang mga negosyante.

Kapag ikaw ay negosyante sa Taiwan, alam mo kung saan ka pupunta, alam mo kung ano ang tamang gagawin at aasa kang may tutulong sa pagresolba ng iyong mga problema.

Malayo ito sa sitwasyong umiiral sa Pilipinas. Balot ng pa­ngamba at alinlangan ang mga negosyante natin bunsod na rin ng kakulangan ng suporta.

Ito ang nais kong burahin ngayong naisabatas na ang iniakda kong Go Negosyo Act.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Saludo sa Peacekeepers

Mga Bida, bumalik na sa bansa noong Linggo ang 84 na sundalong Pinoy na nagsilbing peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights.

Pagdating sa airport, isang heroes’ welcome ang iginawad sa kanila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinamalas nilang katapangan habang ginagampanan ang tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa nasabing lugar.

Nag-iwan ng magandang tatak sa buong mundo ang mga kababa­yan nating sundalo nang hindi sila matinag sa harap ng nakaambang panganib sa kanilang buhay mula sa mga rebeldeng Syrian.

Patunay ito na hanggang ngayon, nananalaytay pa rin sa ating mga ugat ang katapangan na ipinamalas ng ating mga ninuno sa paglaban sa mga dayuhang mananakop.

Sa kasaysayan, kilala ang mga Pilipino na hindi sumusuko sa anumang laban kahit higante pa ang kalaban.  Tulad ni Lapu-Lapu na buong tapang na nilabanan ang mga Kastila na pinamunuan ni Ferdinand Magellan.

Kasama rin sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, at iba pang mga bayani na buong tapang na hinarap ang mga mananakop at ibinuwis ang buhay para sa bayan at para sa kalayaan.

***

Sa kaalaman ng lahat, ang mga Pinoy peacekeepers ay may mahalagang papel sa hangarin ng United Nations na panatilihin ang kapayapaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa huling bilang, nasa 700 military at police personnel mula sa Pilipinas ang nakakalat sa peacekeeping missions sa Cote d’Ivoire, Haiti, India-Pakistan, Liberia at Middle East.

Sa Golan Heights, katuwang ng UN ang mga sundalong Pinoy upang matiyak na nasusunod ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Syria at Israel.

Kung titingnan, parang madali lang ang misyon ng ating mga kababayan sa Golan Heights ngunit nalagay sa bingit ng alanganin ang kanilang buhay nang salakayin ng mga rebeldeng Syrian ang dalawang posisyon ng UN noong Agosto 28.

Agad nailigtas ang ating mga Pinoy peacekeepers sa Position 68 ngunit nagkaroon ng matinding tensiyon sa Position 69 nang mabihag ng mga rebelde ang apatnapu’t apat na sundalong Fiji at hiniling ang pagsuko ng ating mga kababayan.

Inutusan ng commander ng United Nations Disengagement Observer Force ang apatnapung Pinoy peacekeepers na iwagayway ang puting bandila ng pagsuko at ibigay ang kanilang armas sa rebeldeng Syrian.

Ang hindi alam ng commander na wala sa bokabularyo ng mga Pilipino ang salitang pagsuko.  Nanatiling matigas ang ating mga kababayan at nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde na aabot sa mahigit isandaan ang bilang sa loob ng ilang oras.

Sa paghupa ng palitan ng putok, hindi pa rin nawalan ng tapang at diskarte ang ating mga sundalong Pilipino. Sa gitna ng mga nagpapahingang mga rebelde, matapang nilang sinuong ang panganib kahit batid na isang maliit na pagkakamali ay katumbas ng kanilang buhay.

Buo ang loob, nagawang dumaan ng ating mga kababayan sa gitna ng panganib hanggang makarating sa ligtas na lugar.

Kapuri-puri ang ipinakitang tapang ng ating mga Pilipinong sundalo at ito’y nararapat na kilalanin at ipagmalaki nating lahat.

Kaya agad kong inihain ang Senate Resolution No. 877 upang papurihan at kilalanin ang ipinakitang katapangan ng ating mga kababayan sa pagtupad ng tungkulin.

Sa panahon kung saan kay hirap maniwalang may kabutihan pa sa bansa dahil sa mga iskandalong nagaganap, mayroon pa rin tayong mga bayaning puwedeng tingalain.

Mula sa mga sundalong nakikipagsapalaran para sa kapa­yapaan, sa mga kabataan at mga social entrepreneur na nasa mga komunidad, sila ay nasa kanayunan, nasa mga lugar na nasalanta ng bagyo, tahimik silang kumikilos at nakikibahagi sa pagbabago na hindi man lang naibabalita sa mga pahayagan.

Sa gitna ng kaguluhang nararanasan natin ngayon, nagsisilbing simbolo ng kabayanihan ang ating Pinoy peacekeepers.

Sila ang ating real life action heroes.

Kilalanin natin sila. Suportahan. Pasalamatan.

Sa ating Filipino peacekeepers, saludo kaming lahat sa inyong katapangan at patuloy kayong magsilbing inspirasyon sa milyun-milyon nating kababayan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Never again!

Mga Bida, sa ngayon marami ang nagsisikap na baguhin ang kasaysayan at ang nangyari sa panahon ng diktaduryang Marcos at Martial Law.

Sa YouTube lang, nagkalat ang iba’t ibang propaganda na nais ilarawan na isang masayang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Batas Militar, na ibinaba apatnapu’t dalawang taon na ang nakalipas ngayong linggong ito.

Sinasabi ng mga nagpapakalat ng maling propaganda, ang dalawampung taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan dahil napakatahimik at napakaunlad ng bansa.

Ang nakakalungkot, may mga kabataang nakukumbinsi at napapaniwala ng mga nasabing mapanlinlang na propaganda sa Internet.

Sa kabila nito, hindi pa rin mabubura ang mga totoong kuwento ng mga dumanas ng torture at iba pang uri ng pagpapahirap sa ilalim ng Martial Law.

Dagdag pa rito ang talamak na korupsiyong nangyari at paggahasa sa kaban ng taumbayan.

Sa pagtala, halos 15,000 ang pinatay, pinahirapan o nawala na lang at hindi na nakita pa mula 1972 hanggang 1981.

Isa na rito si dating kongresista at ngayo’y Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales.

Sa kuwento ni Rosales, dinala siya at lima pang kasama ng ilang military agents sa isang safehouse sa Pasig at doon pinahirapan at isinailalim sa interogasyon ng isang buwan.

Si dating Bayan Muna congressman Satur Ocampo ay isang reporter ng Manila Times bago sumali sa underground movement para labanan ang rehimeng Marcos nang ideklara ang Martial Law.

Nang mahuli siya ng militar noong 1976, isinailalim si Ka Satur sa matinding pagpapahirap, kabilang na ang pagkuryente at pagpaso sa kanya ng sigarilyo.

Mula naman nang pabalikin ni Marcos sa Pilipinas noong 1977, hindi na muling nakita pa ni Priscilla Mijares ang asawang si Primitivo, na isang mamamahayag.

Si Primitivo ay kilalang malapit sa pamilya Marcos ngunit bumaligtad nang ipadala siya sa Amerika. Tumestigo pa siya sa US Congress ukol sa talamak na paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Ilan lang sila, mga Bida, sa mga naperwisyo at nasalanta noong panahon ng Batas Militar.

Mismong pamilya namin, nakaranas din ng pagpapasakit noong panahon ng Batas Militar. Senador noon ang aking tiyunin na si Ninoy Aquino ngunit walang pakundangan siyang ipi­nadampot ni Marcos sa mismong araw na idineklara ang Martial Law. Itinuring si Ninoy noon bilang Prisoner No. 1.

Huwag nating kalimutan, mga Bida, na walong taon siyang ikinulong bago siya pinatay noong 1983. Isa lang siya sa napakaraming taong pinahirapan noong panahong iyon.

Maliban sa mga human rights violations na nangyari, marami ang nakakalimot na ayon sa datos ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), nasa $10 bilyon ang nanakaw ni Marcos noong siya’y nasa poder noong 1980’s.

Mga Bida, ang halaga ng $10 bilyon sa panahon natin ngayon ay $4.29 bilyon.  Sa pera natin, mga Bida, iyan ay may katumbas na PhP 144.74 bilyon. Sa halagang iyan, tila nagmistulang barya ang mga nanakaw ni Napoles at iba pang opisyales.

Ang tanong lagi ng pamilya namin noong panahong iyon, ang mga mismong nakaranas lang ba ng kalupitan noon ang siyang kontra sa Martial Law?

Ang iba pang tao, kahit alam nilang may nangyayaring masama ngunit hindi sila tuwirang naapektuhan, ay tinanggap na lang ba nila ang mga pangyayari noon?

Mga Bida, masasabi rin natin na ang Martial Law ay umabot ng 20 taon dahil sa panahong iyon, nawalan ng boses at tapang ang taumbayan. Maraming tao ang inaresto, pinatay at naglaho na lang ngunit walang ginawa ang taumbayan.

Hindi ko alam kung ito’y sa takot o dahil ayaw nilang maperwisyo, nagbulag-bulagan na lang sila sa totoong nangyayari.

Mabuti na lang, mga Bida, pagkatapos pinaslang si Tito Ninoy, nagising ang taumbayan at nagdesisyon na patalsikin ang diktadura at hagkan ang demokrasya.

Ngayon, mga Bida, nagkaroon na ng ebolusyon ang taumbayan. Mas handa na tayong tumayo at lumaban kahit hindi tayo tuwirang naaapektuhan ng isang bagay.

Tulad na lang sa PDAF scam, nagtipun-tipon ang taumbayan upang ito’y batikusin hanggang sa ito’y maalis sa pambansang pondo.

At mga Bida, handa akong tumaya na sa panahon natin ngayon ay hindi na ulit papayag ang mga Pilipino sa pagkitil sa ating mga karapatan at pagbalasubas sa ating lipunan.

Tinataya ko, mga Bida, na kahit papaano natuto na ang Pilipino at hindi na ulit papayag na mapasailalim sa mga korap, hayok sa kapangyarihan at mapang-abuso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kalbaryo sa MRT

Mga Bida, tiyak na marami sa atin ang nakaranas nang maghintay ng ka-meeting sa isang mall ng 40 minuto o higit pa.

Dahil malamig ang paligid at maraming paglilibangan, hindi natin alintana ang pagtakbo ng oras habang hinihintay ang pagdating ng ating kausap.

Kabaligtaran nito ang sitwasyon ng libu-libong kataong nagtitiyagang pumila para lang makasakay sa MRT araw-araw.

Sa gitna ng mainit na araw o malakas na ulan, walang magawa ang kawawa nating mga kababayan kundi pumila upang mas mabilis na makarating sa kanilang paroroonan.

Sa pagtaya ng Light Rail Authority (LRA), nasa pagitan ng 30 hanggang 40 minuto ang hihintayin ng isang pasahero para makasakay sa MRT-3.

Kung mamalasin, mas matagal pa rito ang paghihintay kapag nagkaroon ng aberya, na madalas nangyayari ngayon dahil na rin sa kalumaan ng tren pati na rin ng sistema.

Sa kabila nito, tinitiis pa rin ng ating mga kababayan ang 40 minutong pagpila kaysa magkaugat na sa grabeng trapik sa EDSA.

Kung isasama nga ang 30 minutong biyahe sa oras ng paghihintay, kung galing sa Quezon City, nasa Makati o ‘di kaya’y Pasay ka na sa loob lang ng 70 minuto.

Mas mabilis pa rin ito kumpara sa dalawa hanggang tatlong oras na bubunuin kapag sumakay ka ng bus sa EDSA.

***

May pag-asa pang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan na umaasa sa MRT sa kanilang pagbiyahe.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, sinabi ng isang LRA official na kung makukumpleto lang ang lahat ng kailangang rehabilitasyon, sampung minuto na lang ang hihintayin ng mga pasahero para makasakay.

Ang problema, dalawang taon bago makumpleto ang nasabing rehabilitasyon na mangangailangan ng P6.8 billion.

Sa nasabing rehabilitasyon, bibili ng mga bagong bagon, papalitan na ang mga depektibong riles at ilang mahahalagang bahagi sa sistema.

Ngunit mas tatagal pa ang paghihintay kung magtatagal pa ang alitan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Metro Rail Transit Corporation (MRTC), ang pribadong kumpanya na nagpapatakbo sa MRT.

Ang sigalot sa pagitan ng DOTC at MRTC ay nagiging hadlang sa hangarin ng pamahalaan na mapaganda ang sistema ng MRT-3.

Araw-araw nang nagdurusa ang taumbayan sa pagpila ng apatnapung minuto, hindi katanggap-tanggap na paghintayin pa sila ng dalawang taon.

Kung may kailangang ayusin sa sistema, huwag na nating hintayin pa ang 2016 bago ito pondohan.

Ngayon pa lang, simulan na ang proseso para ito’y maayos na sa lalong madaling panahon.

Utang natin sa taumbayan ang mabigyan sila ng maayos at mabilis na sistema ng transportasyon.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Maging bayani

Mga Bida, noong Lunes, ­ipinagdiwang natin ang ­National Heroes Day at ginunita ang ma­raming mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang matamasa ang kalayaan na ating taglay sa ngayon.

Nagkataon din na sa buwang ito, ginunita rin natin ang pagpanaw ng dalawang tao na malapit sa akin na siyang nagtulak sa ating mga Pilipino para lumaban tungo sa muling pagbalik ng ­demokrasya sa bansa.

Una rito ang ating tiyahin na si Corazon “Cory” ­Aquino, ang itinuturing na ina ng demokrasya na nagsilbing ­inspirasyon ng milyun-milyong Pilipino para harapin ang mga tangke at armadong sundalo sa EDSA noong 1986.

Limang taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Tita Cory ngunit hanggang ngayon, nananatili pa rin sa puso’t isip ng mga Pilipino ang ginawa niyang kabayanihan para sa atin.

***

Noong Agosto 21 naman, ginunita rin natin ang ika-31 taon ng pagpanaw ng asawa niyang si Ninoy, na siyang nagsindi ng apoy sa damdamin ng mga Pilipino para makamit ang tunay na kalayaan.

Masaya at tahimik na ang buhay ni Tito Ninoy noon sa Amerika kasama si Tita Cory at kanyang mga anak.

Subalit kahit milya-milya ang layo niya sa Pilipinas, patuloy pa ring narinig ni Ninoy ang sigaw para sa tunay na kala­yaan ng kanyang mga kababayan.

Kaya kahit alam niyang may nakaambang panganib sa kanyang buhay, bumalik pa rin si Tito Ninoy sa Pilipinas upang ituloy ang laban para sa kababayan na ilang taon nang dumaranas ng hirap.

Sabi niya, “the Filipino is worth dying for.”

Isang bala ang tumapos sa hangarin niya nang lumapag sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) ang ­eroplanong sinakyan niya.

Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ay tila naging gasolina na nagpaliyab sa damdamin ng mga Pilipino.

Ito ang naging mitsa upang simulan ang laban para sa ­tunay na kalayaan na ating nakamit tatlong taon ang nakalipas sa pamamagitan ng People Power I.

***

Dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo’y iwan ni dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Ngunit nawala man si Secretary Jesse sa ating piling, ­naiwan naman niya sa ating alaala ang larawan ng isang tapat at malinis na paglilingkod-bayan.

Noong 1988, si Secretary Jesse ang naging pinakabatang mayor sa Pilipinas sa edad na 29 nang mahalal s­iyang alkalde ng Naga City.

Hindi naging hadlang ang kanyang batang edad para ­umpisahan ang mga kailangang reporma sa lungsod. Kasabay ng pagbura sa mga ilegal na sugal at iba pang bisyo, binuhay rin niya ang ekonomiya ng Naga na naging first-class city sa ilalim ng kanyang termino.

Nang maging DILG chief, si Secretary Jesse ang nagsi­mula ng ‘anti-epal’ campaign sa pagbabawal ng paglalagay ng billboard na nagtataglay ng pangalan ng mga lokal na opisyal.

Tumatak din sa isip ng taumbayan ang ‘tsinelas leadership’ ni Secretary Jesse na nagpakita ng kanyang pagiging simple at kahandaang sumabak sa anumang sitwasyon sa kahit ano pang panahon.

Kaya sa 2016, gamitin nating pamantayan ang ‘matino at mahusay’ sa pagpili na susunod na pinuno ng bansa.

***

Kahit hindi man tayo magbuwis ng buhay para sa bayan, lahat tayo ay maaaring maging bayani tulad nina Tito Ninoy, Tita Cory at Secretary Jesse.

Kailangan lang nating gawin ang ating makakaya para ­tulungan ang bansa upang makamit ang pag-asenso para sa ­lahat ng Pilipino.

Huwag din tayong mangimi na tulungan ang ating kapwa, hindi lang sa oras ng kanilang pangangailangan, kundi sa ­lahat ng panahon.

Sa paraang ito, maipapakita natin sa mga bayani na sulit ang ginawa nilang sakripisyo para sa atin.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top