Columns

BIDA KA!: Business Virgin

Mga Bida, hayaan ninyong simulan ko ang ating talakayan sa isang mahalagang isyu ng lipunan sa kuwentuhan ng dalawang negosyante na nabasa ko sa isang social media site.

Sabi ng isang banyagang negosyante: “It’s difficult to do business here in the Philippines”.

“Why?” sagot ng kanyang kausap na isang negosyanteng Pinoy.

“Every move and everyone have a FEE. There’s a Mayor’s FEE, a Governor’s FEE, a Congressman’s FEE, and a BIR FEE. You have to change your system,” gigil na sagot ng dayuhang negosyante.

“Maybe you can call your nation FEE-lippines and call yourselves FEE-lipinos,” dagdag pa ng dayuhan.

Imbes na mainis, naisip ng negosyanteng Pinoy na FEE-kon ang talo!

***

Nakakainis mang pakinggan, ang sinabi ng dayuhang negosyante ang umiiral na katotohanan sa sistema ng pagnenegosyo sa bansa.

Imbes na padaliin ang proseso, kailangan pang dumaan sa butas ng karayom para lang makapagpatayo ng maliit na negosyo, mula sa pagpaparehistro hanggang sa pagsisimula ng operasyon.

Maraming oras na nga ang kakainin, dagdag-gastos pa para sa negosyante ang pagkuha ng iba’t ibang permit at mga dokumento.

Hindi pa kasama rito ang tinatawag na ‘padulas’ sa mga tiwaling tauhan ng pamahalaan para mapadali ang paglalabas ng papeles na kailangan para masimulan ang operasyon.

Isa sa ating mga isinusulong na adbokasiya ay ang ease of doing business, na layong pagaanin ang proseso ng pagpaparehistro, sa pamamagitan ng Go Negosyo Act.

Sa Go Negosyo Act, ilalagay na lang sa isang lugar ang pagpoproseso ng mga kailangang dokumento. Mas madali na, mas matipid pa sa oras at pera.

***

Maliban pa rito, naghain din ako ng panukala para matulungan ang tinatawag na start-up business o “business virgin”.

Sa aking Senate Bill 2217 o ang Start-Up Business Bill, hindi pagbabayarin ng buwis ang mga bagong tatag na negosyo ng buwis sa unang dalawang taon ng operasyon.

Sa paraang ito, mabibigyan natin ang mga bagong tatag na negosyo ng sapat na panahon para makatayo sa sariling paa at gumawa ng sariling pangalan sa merkado.

Sa ilalim ng panukala, hindi muna bubuwisan ang kanilang operasyon sa loob ng dalawang taon, basta’t ang mga nasabing negosyo ay walang kaugnayan sa anumang kasaluku­yang kumpanya.

Kapag sole proprietorship naman, ang mga bagong negosyo ay dapat walang iba pang kumpanyang nakarehistro.

Ang panukalang ito ay para sa mga totoong mga start-up para ‘di maabuso ang probisyon at talagang masuportahan ang mga unang beses na magnenegosyo.

At naniniwala ako na kapag naisabatas ito, mas darami ang mga bagong negosyo sa bansa na magreresulta sa dagdag na trabaho.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Most guilty man o least guilty, guilty pa rin!

Mga Bida, nangyari na ang pinakahihintay ng lahat sa paglabas ng “Napolist” o ang sinumpaang salaysay ng itinuturong pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Kung matatandaan ninyo mga Bida, sa unang imbestigasyon ng blue ribbon committee, todo ang kanyang pagtanggi sa pagkakasangkot sa iskandalo.

Sa salaysay niya ngayon, maraming nadagdag na mga pa­ngalan. May mga kasalukuyan at dating mga mambabatas at ilang mga opisyal ng pamahalaan.

May mga binanggit ding pangalan si Napoles na mga nagsilbing tulay sa pagitan ng mga mambabatas at ni Napoles.

Sa paglabas ng listahang ito ni Napoles, panibagong kabanata na naman ang nadagdag sa mala-telenobelang isyu na ito na tiyak aabangan ng milyun-milyon nating kababayan na biktima sa eskandalong ito.

***

Ngayong lumabas na ang listahan, asahan na ang kaliwa’t kanang pagtanggi ng mga nabanggit dito.

Ngunit ang maganda rito, marami nang puwedeng gawing batayan para malaman kung may katotohanan o puro kasinu­ngalingan lang ang binanggit ni Napoles.

Maaaring ikonekta ang salaysay ni Napoles sa mga naunang testimonya ng whistleblowers na sina Benhur Luy at Ruby Tuason.

Maliban pa rito, naririyan din ang maraming dokumento kung saan maaaring maibatay ang mga pinagsasabi ni Napoles sa kanyang salaysay, kabilang na ang SARO o ang special release allotment order na inilabas ng Department of Budget and Management.

Naririyan din ang record ng mga ahensiya ng gobyerno na ginamit ng mga pekeng non-government organization (NGO) ni Napoles para maging daluyan ng pork barrel.

Kapag nagkatugma-tugma ang mga ito, sa aking pagkakaalam ay magsasampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman.

Sa parte naman ng Ombudsman, pag-aaralan nito ang kaso kung may probable cause bago tuluyang iakyat sa Sandiganbayan.

Ang mga naunang kaso na isinampa ng Ombudsman ay dumaan sa ganitong proseso. Kaya nararapat lang na ang salaysay ni Napoles ay idaan din sa ganitong proseso upang matiyak kung may katotohanan ang kanyang mga sinabi.

***

Ang malaking tanong naman ay ano na ang mangyayari kapag napatunayang walang katotohanan ang salaysay ni Napoles?

Ito ang tingin ng marami dahil mayroon siyang mga nabanggit na pangalan na wala namang nakadikit na proyekto.

Nakakapanghinayang ito dahil ito na sana ang panahon ni Napoles upang tubusin ang sarili sa malaking kasalanang nagawa niya sa taumbayan.

Binigyan na siya ng ikalawang buhay kasunod ng matagumpay niyang operasyon kaya dapat na niya itong samantalahin sa pamamagitan ng pagsasabi ng lahat niyang nalalaman.

Kung makikita na walang katotohanan ang kanyang sinabi, wala nang dahilan pa para pag-aksayahan ng panahon ang mga susunod niyang sasabihin dahil siguradong ito’y pawang panggugulo lang.

***

Sinabi rin ni Napoles na hindi siya ang most guilty sa usaping ito.

Ikaw man ang most guilty o least guilty, guilty ka pa rin sa pagnanakaw sa taumbayan at dapat papanagutin sa ilalim ng ating batas!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: May galit ba sa mahihirap?

Mga Bida, akala natin ay pahupa na ang isyu ng pork barrel scam kasunod ng paglabas ng committee report ng Senado sa kontrobersiya.

Subalit bigla na namang uminit ang usapan ukol sa usapin kasunod ng paglabas ng iba’t ibang bersiyon ng “Napolist”.

Naririyan ang bersiyon nina Jstiuce Secretary Leila de Lima, da­ting senador at ngayo’y rehab czar Panfilo Lacson at whistleblower Sandra Cam.

Ngayon, marami ang nalilito kung anong listahan ang paniniwalaan. Batay sa lumitaw sa mga balita, halos walang pinagkaiba ang isinumite nina Lacson at De Lima kay Blue Ribbon Committee chairman Sen. TG Guingona.

Gamit ang hawak na ebidensya at testimonya ng mga whistleblowers, kailangan talagang ma-verify ang mga pangalan upang masala natin kung sino ang may sala sa kung sino ang sinasama lang.

Pero kahit sino pa ang nasa listahan, isa lang ang gusto nating mangyari – ang tiyaking maparusahan ang lahat ng may pananagutan sa pagkawala ng bilyun-bilyong piso na mula sa dugo’t pawis ng taumbayan.

***

Marami sa atin ay gigil na gigil na sa isyu dahil ang perang nawaldas ay mula sa binayaran nating buwis na inawas mula sa ating suweldo at iba pang kita.

Biruin ninyo, imbes na pakinabangan ng taumbayan, sa bulsa lang ng iilan napunta ang perang nagmula sa pawis at dugo ng milyun-milyong Pilipino.

Kaya dapat alagaan at pahalagahan ng pamahalaan ang bawat piso ng buwis na kinokolekta nito sa taumbayan at tiyakin na ito’y napupunta sa dapat pagkagastusan.

***

Kaya nang mabalitaan kong plano ng BIR na singilin ng income tax pati maliliit na negosyante o Marginal Income Earners (MIEs), agad akong kumilos at inihain ang Senate Bill 2227.

Sa aking panukala, hindi na pagbabayarin pa ng income tax ang MIEs, na kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, may-ari ng maliit na sari-sari store at iba pang maliliit na negosyo na ang kita lamang ay hindi hihigit sa P150,000 kada taon.

Itinatapat lang natin ito sa kumikita ng minimum wage na hindi rin sinisingil ng income tax.

Dapat patas lang ang laban, ‘di ba, mga Bida?

Maliban sa income tax, hindi rin sisingilin ang MIEs ng 12 percent value-added tax o kahit anong percentage tax na pinapataw sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sila’y hindi saklaw ng mga nabanggit na buwis.

Sa pamamagitan nito, mga Bida, mabibigyan ang maliliit na negosyante ng pagkakataon para magtagumpay na bahagi ng ating hinahangad na pag-asenso para sa lahat.

***

Agad namang umani ng suporta mula sa ilang MIE ang ating hakbang na huwag na silang pagbayarin ng income tax.

Ayon kay Rod (hindi tunay na pangalan), isang OFW na kasisimula pa lang ng maliit na tindahan, paano aangat ang kanyang negosyo kung sa simula pa lang ay mayroon nang pabigat?

Sinabi naman ni Joy, maraming maliliit na negosyo ang nagsasara dahil sa iba’t ibang klaseng tax na sinisingil ng BIR.

Para naman kay Malou, dapat ay intindihin ng BIR ang pagtugis sa malalaking kumpanya at hindi pahirapan ang mga maliliit na negosyo.

Dapat suportahan natin ang ating mga kababayang makaahon sa kahirapan. Sa isang bayang umaasenso, dapat bawat Pilipino, panalo!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Buwis-it!

Mga Bida, kilala ang Internal Revenue Service (IRS) ng Estados Unidos na walang sinasanto pagda­ting sa singilan ng buwis.

Para sa impormasyon ng lahat ng mambabasa, ang IRS ay katumbas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dito sa atin.

Sa pagtupad sa tungkulin ng IRS, wala itong sinasanto. Kahit malaking pangalan ka pa sa Estados Unidos, basta hindi ka nagbayad ng buwis, tiyak na malalagot ka sa IRS.

***

Kaya sobrang takot ang naramdaman ng kaibigan kong nag-working student sa Estados Unidos noong dekada otsenta nang makatanggap siya ng sulat mula sa IRS.

Nakalagay sa sulat na bibisitahin siya ng isang ahente ng IRS sa tinitirhan niyang bahay para sa isang interview.

Nag-isip tuloy ang aking kaibigan kung ano ba ang mga hindi niya nabayarang buwis. Muli niyang binalikan ang kanyang mga isinumiteng form sa IRS kung tama ba ang kuwenta ng kanyang binayaran.

Wala mang nakitang problema sa kanyang binayaran, hindi pa rin mawala sa aking kaibigan ang pagkabalisa hanggang sa dumating ang takdang araw ng pagdalaw ng ahente ng IRS.

Nagsuot pa ng coat at tie ang kaibigan ko nang pagbuksan niya ng pinto ang IRS agent. Napakaseryoso at napakahigpit ng itsura nito, parang istriktong teacher na hindi man lang mangiti.

Muntik nang malaglag sa upuan ang kaibigan ko nang sabihin ng IRS agent na, “as a single man, you’re paying too much taxes.”

Nagulat ang kaibigan ko sa narinig. Hindi niya inaasahan na ang napakahigpit na ahensiya ng pamahalaan gaya ng IRS ay mayroon palang puso sa gaya niyang nagbayad ng sobrang buwis.

Ipinaliwanag ng IRS agent sa kaibigan ko ang tamang proseso upang maitama ang sobra niyang binabayarang buwis. Nang matapos ang kanilang pag-uusap, halos 25 porsiyento ang ibinaba ng tax na kanyang babayaran.

Kaya tinapos niya ang aming kuwentuhan sa tanong na, “kailan kaya ‘yon mangyayari dito sa atin?”

***

Alam nating mahalaga ang buwis dahil dito nagmumula ang ginagastos ng pamahalaan sa paghahatid nito ng serbisyo sa publiko.

Ito ang dahilan kung bakit seryoso ang BIR sa tungkulin nito na tiyaking tama ang binabayarang buwis ng mamamayan at mga negosyante sa bansa.

Subalit sa pagtupad ng tungkulin ng BIR, nakakalimutan nito na lubhang naaapektuhan sa mataas na buwis ang mga mamamayan.

Dagdag pa rito, napakakumplikado ng mga patakaran natin sa pagbabayad ng buwis. Sabi nga ng ibang negosyante, “para gumawa ng tama dito sa atin, kailangan pang kumuha ng CPA at abogado”.

***

Naghain ako ng panukala na layong pababain ang buwis na binabayaran ng karaniwang Pilipino.

Ang umiiral na tax bracket ngayon ay batay sa National Internal Revenue Code, na naipasa noon pang 1997 o halos dalawampung taon na ang nakalipas.

Napag-iwanan na ng panahon ang nasabing batas kaya dapat lang na maiakma o maibagay ito sa kasalukuyang antas ng kinikita ng mga Pilipino.

Layon ng aking panukala na i-adjust ang tax bracket ng net taxable income ng mga mamamayan.

Ibalik natin ang nakalahad sa Saligang Batas na progressive dapat ang taxation – kung mababa ang kinikita mo, dapat maliit din o wala kang tax.  At kung malaki naman ang kinikita mo, dapat malaki ang iyong tax.

Sa pamamagitan ng batas na ito, madadagdagan ang take-home pay ng mga karaniwang Pilipino at magkakaroon tayo ng dagdag na panggastos sa ating mga pang-araw-araw na pangangailangan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Birthday wish

Bago ang lahat mga Bida, nais ko munang magpasalamat sa Poong Maykapal sa dagdag na isang taon sa aking buhay.

Kahapon, ipinagdiwang ko ang aking ika-37 kaarawan. Gayunpaman, tuluy-tuloy ang pagsisilbi ko sa taumbayan dahil ito ang paraan upang magpasalamat sa inyong suporta sa ating mga adhikain.

Kasabay ng aking kaarawan, nagsumite ako ng tatlong committee report at nagbigay ng sponsorship speech sa tatlong panukalang batas na nakalusot sa aking komite na Trade, Commerce and Entrepreneurship.

Ang mga tatlong panukalang ito ay ang Poverty Reduction through Social Enterprise (PRESENT), Youth Entrepreneurship and Financial Literacy at Philippine Lemon Law on Motor Vehicles bills.

Malaki ang maitutulong ng mga nasabing panukala upang maiparamdam at maipaabot sa karamihan ang nararanasang paglago ng ekonomiya ng bansa.

***

Naghain din ako ng panukalang batas – ang Community Disaster Warehouse Bill, Coastal Mangrove Planting Bill, BEI-Election Service Reform Bill, Philippine Big Data Center Bill, Cooperatives Officer Bill, Credit Surety Fund NGO Bill at Start Up Fund Bill.

Tatlong committee reports at pitong bills – 3/7 sa ika-37 kong kaarawan. Para sa ating ikauunlad ito, mga Bida.

***

Kahapon, habang ako’y nasa kasagsagan ng pagtatrabaho ay may lumapit sa akin at nagtanong ng “Senador, ano po ang birthday wish ninyo?”

Hindi naman nag-antay nang matagal ang nagtanong sa akin dahil sa una pa lang, alam ko na kung ano ang aking gusto, hindi para sa aking sarili, kundi para sa nakararaming Pilipino.

Ito ay ang trabaho, negosyo at edukasyon para sa lahat.

Maliban sa nais kong magkaroon ng trabaho ang mara­ming Pilipino, gusto kong umangat sila sa pagiging empleyado patu­ngong amo.

Mula sa pagiging tauhan, nais kong sila ang maging may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuan.

Imposible man ito sa unang tingin pero ito’y unti-unti nang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pagdami ng maliliit na negosyo.

Magandang halimbawa rito ay ang Kalasag farmers sa San Jose, Nueva Ecija.

Sa umpisa, sila ay mga ordinaryong magsasaka na umaasa lang sa kanilang parte sa ani.

Noong 2008, nabigyan sila ng training sa paghawak ng pera, pagpapatakbo ng negosyo at mga makabagong paraan ng pagsasaka.

Binuo ng 60 magsasaka mula sa Kaliwanagan at San Agustin (Kalasag) ang Kalasag Farmers Producers Cooperative.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan ay nabigyan sila ng pagkakataon na direktang maibenta ang kanilang mga pananim gaya ng sibuyas sa Jollibee.

Isipin ninyo, mga Bida, malaking porsyento ng sibuyas na nahahanap sa mga paboritong burger natin ay galing sa mga Kalasag Farmers.

Doon na nagsimula ang pag-angat ng kanilang buhay. Noong 2008-2009, 60,000 kilo ng sibuyas ang naibenta nila sa isang malaking fast food chain sa bansa.

Sa mga sumunod na taon, umakyat ang kanilang benta sa 236,000 kilo at 245,000 kilo noong 2010-2011.

Kasabay nito, lumago rin ang kita ng bawat magsasaka sa P76,849.13 noong 2008; P98,126.85 noong 2010 at P119,261.12 noong 2011.

Noong bumisita kami roon sa kanila noong isang linggo, kinuwento ng ilang magsasaka na mayroon na silang anak na kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo.  Naipasemento na nila ang kanilang mga bahay at nakakapaghulog na sila para sa isang tricycle.

At siyempre, mga Bida, noong kodakan na ay naglabasan na ang kanilang mga smart phone.

Mula sa pagiging kapatas, ngayon sila na ang big boss ng sakahan.

Kaya walang imposible, mga Bida.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Mabagal na, mahal pa?!

Mga Bida, marami sa atin ang madalas na gumagamit ng Internet ngayong nagkalat na ang high-tech na bagay gaya ng smart phones, laptop, tablets.

Gumagamit tayo ng Internet sa maraming kadahilanan. Maaaring ito’y may kinalaman sa trabaho, sa pakikipag-chikahan sa mahal sa buhay na nasa malayong lugar o ‘di kaya’y sa pag-update natin sa latest na balita.

Ang iba naman, nakatutok sa Facebook account at nag-like-like ng status ng iba kapag may time. O ‘di kaya’y busy sa online games gaya ng Candy Crush.

Talagang malaking bahagi na ng ating buhay ang paggamit ng computer o cellphone para mag-Internet. Sa huling tala, a­pat sa 10 Pinoy ang may access sa Internet.

Isang mahalagang sangkap para lubusang ma-enjoy ang bagong teknolohiyang ito ang mabilis, maaasahan at murang koneksiyon sa Internet mula sa telecommunication companies.

Kaya magkahalong lungkot at inis ang naramdaman ko nang mabalitaan kong kulelat pala ang Pilipinas pagdating sa bilis ng Internet sa Southeast Asia at mas mahal pa kumpara sa ilang kalapit-bansa.

Lungkot dahil ito’y makasisira sa imahe ng ating bansa sa gitna ng lumalakas nating ekonomiya.

Inis dahil sa kabila ng estado natin bilang isa sa aktibong bansa pagdating sa Internet at social media ay mabagal pa rin ang ating koneksiyon.

***

Gaya na lang ng sitwasyon ni Bobby (hindi tunay na pa­ngalan) na tubong Iriga sa lalawigan ng Albay.

Sa aking Facebook account, nagpahayag siya ng suporta sa aking planong imbestigahan ang mabagal at mahal na Internet sa bansa.

Sa kanyang kuwento, inilahad ni Bobby na isa siyang entrepreneur at may maliit na Internet shop sa Iriga.

Aniya, sa maliit niyang Internet shop kinukuha ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng pagkain.

Para mapaganda ang serbisyo sa kanyang customer, kumuha si Bobby ng mabilis na DSL line mula sa isang kila­lang telecom firm.

Ngunit nagkamali pala ng akala si Bobby. Sa halip na ginhawa ay puro perhuwisyo ang ibinigay sa kanya ng mabagal at hindi maasahang DSL connection.

Sa usad-pagong na koneksiyon sa shop ni Bobby, naglipatan na sa mga kalapit na Internet café ang mga regular na customer ni Bobby.

Ang masakit nito, mas mabilis pa sa kuneho kung magpu­tol ng serbisyo ang nasabing telecom kapag naantala ng ilang araw ang bayad.

“Parang sila na lang ang binubuhay ko Sen. Bam dahil kahit walang kitang pumasok sa ating Internet shop, bayad pa rin ako ng bayad sa kanila,” litanya pa ni Bobby.

Kapag hindi nagbago ang sitwasyon, plano ni Bobby na isara ang Internet café at maghanap na lang ng ibang ikabubuhay.

***

Mga bida, ito ang dahilan kung bakit gusto kong malaman ang puno’t dulo ng problema.

Kung hindi natin ito bibigyan ng masusing pansin, marami pang maliliit na negosyante ang sasapitin ang kapalaran ni Bobby at milyun-milyong Pilipino pa ang maaagrabyado.

Antabayanan niyo ang mga susunod pang kabanata, lalo na ang gagawing pagdinig ng isyu ngayong buwan.

Gusto ba ninyo ang hakbang na ito? Mag-like na!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Aksiyon kontra diskriminasyon

Mga Bida, bibigyang daan ko sa ating kolum ang sulat ni Mang Reynaldo Vargas, na dating Overseas Filipino Worker na ngayo’y naghahanap ng trabaho sa edad na limampu’t limang taong gulang.

Noong una, akala ko’y isa lang ito sa maraming sulat na dumara­ting sa ating tanggapang humihingi ng tulong o ‘di kaya’y nagsusumbong sa mapait na karanasan sa opisina ng gobyerno.

Subalit nagbago ang aking pananaw at pag-aakala nang mabasa ko ang kabuuang liham ni Mang Reynaldo.

Maliban sa paghingi ng tulong, ang sulat ni Mang Reynaldo ay sumasalamin sa malalim na problema ng bansa na nararasan ng marami — ang talamak na diskriminasyon sa lipunan.

Para sa kaalaman ng ating mambabasa, narito ang kabuuan ng sulat ni Mang Reynaldo:

 

Dear Senator Aquino,

 

Good day Sir, gusto ko po sanang humingi ng tulong hindi po pera kung hindi po sa tulong makapaghanap ng mapapasukan sa edad kong 55 years old.

Tapos po ako ng Economics, at naka-2nd year college sa College of Law sa UE Manila. For the past 20 years ay nakapagtrabaho ako sa Libya kasa-kasama ang aking may bahay na hanggang ngayon ay naroon pa rin sa Tripoli bilang nurse.

Napakahirap maghanap ng trabaho rito sa atin sa edad ko dahil na rin sa panuntunan ng mga kompanyang ilimita ang maximum age sa 45 years old.

Bakit po ganoon kung ang mag-a-apply naman ay kakaya­nin pa ang trabahong gusto niyang pasukin. Sa US, ang mga senior citizen ay binibigyan pa nila ng mga magaang na trabaho para rin sa kanilang edad o katayuan sa buhay, making people useful to society.

At kung mayroong pakinabang sa gobyerno ang isang tao mas gagaan ang kanyang pamumuhay kaysa mabinbin lamang sa bahay at hintayin na lang ang paglubog ng araw.

Bakit wala po tayong batas na alisin na ang age limit sa mga trabahong puwede naman kahit lampas ng maximum age of 45. Sa US kahit 70 ay nakapagtatrabaho pa sila. Bakit wala po tayong policy na ganito?

Marami pong salamat.

***

Nakakalungkot mang sabihin, Mang Reynaldo, pero sa kasalukuyan ay wala tayong batas na nagtutulak sa mga kompanya na tanggalin ang limit sa edad sa pagkuha ng empleyado.

Sa edad na 55 na taon, sigurado akong kaya pang magtrabaho ni Mang Reynaldo at marami sa ating mga kababayan. Ano nga ba ang dahilan ng mga kompanyang ilimit ang edad sa 45 na taon?

Para sa kaalaman ng ating mga mambabasa, tinututukan na natin ang isyu ng diskriminasyon bago pa man dumating ang sulat ni Mang Reynaldo.

Naghain tayo ng panukalang batas — ang Senate Bill No. 2122 — na layong labanan ang anumang uri ng diskriminasyon sa lahat ng sektor ng lipunan.

Sa nasabing panukala, isasama natin na alisin ang edad bilang isa sa panuntunan sa paghahanap ng trabaho na ipinatutupad ng mga kompanya.

Kahit ano pa ang edad, basta kaya pang magtrabaho ay dapat bigyan ng pagkakataon para kumita.

Maganda nga ito dahil hindi na magiging pabigat ang ating nakatatandang mamamayan sa kanilang mga kasama sa buhay at makakatulong pa sila sa gastusin sa bahay.

Maliban dito, tututukan din ng ating panukala ang diskrimi­nasyon ukol sa lahi, kasarian, relihiyon at iba pa.

Moderno na ang ating panahon at marami nang nabago pero hanggang ngayon, nagkalat pa rin ang mga mahilig mang-api ng kapwa.

Panahon na upang tapusin ang baluktot na gawaing ito. Samahan ninyo ako sa aking laban kontra diskriminasyon!

 

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Rehas na bakal para sa nambabakal!

Mga Bida, bumisita ako sa Bohol kamakailan upang tingnan ang ginagawang rehabilitasyon ng lalawigan mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol noong nakaraang taon.

Malaking perhuwisyo ang iniwan ng nasabing lindol sa lalawigan at kalapit-probinsiya na Cebu.

Maliban sa mahigit dalawandaang buhay na nawala, at nasira rin ang ilang tourist spots ng probinsiya.

Kung sa ibang lugar ay nagsisikap na mag-reclamation, doon sa isang lugar sa Bohol ay may bagong baybayin ang uma­ngat dahil sa lindol.

Pati mga simbahan sa Baclayon, Loboc at Loon na ilang daang taon na ang edad ay nadurog sa malakas na pagyanig.

Sa pag-ikot ko sa probinsya kasama ang gobernador na si Edgar Chatto, pinakita niya ang mga ginagawang rehabilitas­yon sa mga daan, gusali at iba pang imprastraktura.

Hindi nagpapatalo ang mga Boholano sa nangyaring sakuna sa kanila.

Ang mga pribadong kumpanya, NGO at gobyerno ay sama-samang nagtatrabaho para muling ibalik ang dating sigla ng kanilang probinsya.

***

Sa aming pag-iikot, naagaw ang aking pansin ng dalawan­g magkalapit na bahay na gawa sa semento. Ang isa, talagang sira-sira na habang ang kalapit na bahay ay nakatayo pa rin.

Nakakapagtaka dahil halos magkatabi lang ang dalawang bahay at parehong sementado pa. Paano nangyari na ang isa ay nagiba at habang ang isa ay kinaya ang malakas na lindol?

Napag-usapan namin na siguro, ang ginamit sa nagibang bahay at iba pang nasirang istruktura ay mahinang klase ng bakal at hindi sumunod sa umiiral na panuntunan.

Hindi dapat ganito ang sitwasyon. Sa bansang gaya ng Pilipinas na madalas bisitahin ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, mahalaga na mayroong matibay na istruktura.

Kung ginamit lang ang tamang klase ng bakal, siguro ‘di ganoong kagrabe ang napinsala at hindi sana umabot sa mahi­git dalawandaang katao ang nagbuwis ng buhay.

Sabi nga ni Gov. Chatto sa aming pag-uusap, “Walang namamatay sa lindol. Marami ang namamatay dahil nababagsakan ng mga nagibang gusali”.

***

Napapanahon pala ang pagdalaw kong ito sa Bohol. Ti­yempo kasi na ilang araw bago ako nagtungo roon, naghain ako ng resolusyon para imbestigahan ang talamak na pagbebenta ng mahinang klase at puslit na produktong bakal sa merkado.

Ito’y bahagi ng aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang tiyakin na lahat ng binebenta sa merkado ay nasa tamang kalidad.

Hiningi ko ang imbestigasyon kasunod ng paglapit sa akin ng ilang grupo gaya ng Philippine Iron and Steel Institute (PIS­I) at Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines, Inc. (SASSMAPI) at ng Department of Trade and Industry (DTI).

Talamak ang bentahan ng mahinang klase at puslit na produktong bakal gaya ng reinforcing steel bars.

***

Sa kalakaran ng mga walang pusong nagbebenta ng mahinang uri ng bakal, ang produktong may nakatatak na tamang bigat ay mas magaan pala.

Buhay ang katumbas na kinikita nilang ekstra sa maru­ming paraan.

Masahol pa sila sa mga kriminal na halang ang kaluluwa dahil maraming buhay ang kanilang inilalagay sa panganib at kapahamakan.

Kaya sa gagawin nating imbestigasyon, mananagot ang dapat managot. Malamig na rehas na bakal ang dapat katapat ng mga nambabakal.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Wala nang ‘Bakwits’

Mga Bida, nagdiriwang nga­yon ang buong bansa, lalo na ang mga taga-Mindanao, kasunod ng pagpirma ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ang pagpirma sa kasunduan ay hudyat ng simula ng bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, na lubhang nalumpo ng ilang dekadang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig.

Sa mga nakalipas na panahon, karaniwan nang larawan ng karahasan ang Mindanao. Libu-libong katao ang nagbuwis ng buhay habang milyun-milyon naman ang nawalan ng tirahan at ikabubuhay dahil sa kaguluhan.

Dahil sa digmaang ito, maraming pagkakataon ang nasayang upang magamit ang masaganang likas na yaman ng Mindanao, na naging daan sana ng kaunlaran ng rehiyon.

Imbes na maging paboritong destinasyon ng mga negosyante’t mamumuhunan, ang Mindanao ay parang isang taong may malalang sakit na nilalayuan ng lahat.

Lahat ito ay nakatakdang magbago, ngayong nagkasundo na ang pamahalaan at MILF na magkasamang kikilos para sa kaunlaran at pangmatagalang kapaya­paan ng Mindanao.

Sa pangakong kapayapaan at seguridad ng kasunduan, mabubura na ang masamang imahe ng Mindanao at masisimulan na ang matagal na inaasam na pag-unlad nito.

Ngayong plantsado na ang kasunduan, magiging madali na ang pagpasok ng negosyo na magbibigay ng trabaho at iba pang uri ng kabuhayan sa ating mga kapatid sa Mindanao.

Naniniwala ako na ang Mindanao ay susi sa mabilis na pag-abot ng pag-asenso na hinahangad ng lahat.

***

Dahil sa digmaan, sumikat ang katagang “bakwit”, o tawag sa mga residente na lumilikas sa evacuation centers para hindi maipit sa kaguluhan.

Sa kasunduang ito, tapos na ang araw ng pagtakbo ng mga pamilya mula sa kaguluhan at pag-iwas sa mga bombang pinapakawalan ng magkabilang panig.

Babalik na sa normal ang pamumuhay ng milyun-mil­yong mga taga-Mindanao. Makakatulog na sila nang payapa tuwing gabi. Makakagala na sila sa iba’t ibang tanawin sa Mindanao nang hindi tumitingin sa kanilang mga likuran.

Wala nang mararamdamang pangamba ang mga magulang kapag naglalaro ang mga anak sa mga kalsada at hindi sa maruming paligid ng evacuation centers na ilang taon ding naging tahanan.

Sa darating na pasukan, maipagpapatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral. Wala nang kaguluhang pipigil sa kanilang hangarin na makakuha ng diploma at magkaroon ng magandang buhay.

Muli na ring mabubuhay ang nawasak na pangarap ng mga taga-Mindanao ngayong may mas malinaw nang kinabukasan para sa kanila.

Mga Bida, ang kapayapaang dumating sa Mindanao ay para sa lahat ng Pilipino tungo sa malawakang kaunlaran.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Si Nanay Coring at si Injap

Mga Bida, ngayong nasa ­huling bahagi na tayo ng buwan ng Marso, maraming estudyante ang magtatapos, bilang tagumpay nila sa hamon ng silid-aralan nang ilang taon.


Tutuloy na sila sa kanilang paglalakbay upang matupad ang kanilang mga pangarap.

May mga kuwento ako tungkol sa mga Pilipinong nagpun­yagi na maaari nilang gamiting gabay tungo sa magandang kinabukasan.

***

Ilang dekada na ang nakakaraan, mahirap lang ang ­pamilya ni Nanay Coring at kaya sa murang edad pa lang, tumulong na siya sa kanyang pamilya sa pagbebenta ng suka, saging at bakya sa isang palengke sa Sta. Cruz, Laguna.

Nang nakapagtapos ng high school, pumasok siya bilang tindera sa isang bookstore sa Escolta.

Doon niya nakilala ang kanyang magiging asawa at partner sa negosyo.

Sa puhunang P120 lang, itinayo nina Nanay Coring at ng kanyang asawa ang sariling tindahan ng school supplies at ­libro sa isang maliit na puwesto.

Sa pagdating ng mga Hapon, napilitan silang mag-iba ng paninda tulad ng sabon, kendi at tsinelas upang hindi pagdudahan ng mga dayuhan ang ibinebenta nilang libro.

Nang bombahin ng mga Amerikano ang buong Escolta, kasamang nasunog ang tindahan nina Nanay Coring. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at muling binuhay ang negosyong bookstore sa kanto ng Avenida at Soler.

Dahil sa pagsisikap ni Nanay Coring o Socorro Cancio ­Ramos, nagtuluy-tuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Ngayon, mayroon nang 85 na sangay sa buong bansa ang bookstore na kilala ng lahat bilang National Bookstore.

***

Ibabahagi ko rin ang kuwento ng isang batang entrepreneur mula Iloilo City.

Noong 2003, nangarap si Injap na magbukas ng negosyo kaya nagpasya siyang magtayo ng restaurant na nagbebenta ng inasal – isang uri ng barbeque na kilala sa Visayas – sa isang mall.

Mula sa maliit na espasyo, maraming tumangkilik nang kanyang inasal at nakapagbukas siya ng halos 400 sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngayon, si Edgar “Injap” Sia ang isa sa pinakabatang ­bilyonaryo sa bansa matapos bilhin ng Jollibee ang “Mang Inasal” sa halagang tatlong bilyong piso.

Ilang dekada man ang pagitan sa kuwento nina Nanay ­Coring at Injap, pareho ang naging susi sa kanilang tagumpay – kasipagan, pagpupunyagi at pagiging malikhain.

***

Mga Bida, maraming kabataan na naman ang madadagdag sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.

Sa mga kuwento natin, natuklasan nating may mga alternatibong hakbang para kumita.

Kaysa magkaroon ng boss, mas maganda nga naman kung ikaw ang boss sa iyong sariling negosyo. Basta maganda ang ideya mo at pairalin ang kasipagan, mas malaki ang inyong pagkakataong umasenso.

First Published on Abante Online

Scroll to top