BIDA KA!: Kuwento ni Rustie
Mga bida, sa ilang taon kong pagsasagawa ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards, isa sa mga kahanga-hangang tao na nakilala ko ay si Rustie Quintana.
Napakaganda ng istorya ni Rustie. Katunayan, ang kuwento niya ay naitampok pa sa isang episode ng drama series sa telebisyon.
Si Rustie ay dating batang kalye, rugby boy at nagpagamit pa bilang “courier” ng mga nagbebenta ng droga sa kanilang lugar sa Cagayan de Oro.
Dahil sa kanyang kalokohan, ilang beses naglabas-masok si Rustie sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.
Sandali ring nakulong si Rustie sa Lumbia City Jail at pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa para lang mailipat sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Gingoog City.
Sa nasabing center, dalawang taong nanatili si Rustie at sumailalim sa rehabilitasyon. Nang makalabas, inalis lahat ang anumang record niya.
Kung nahatulan sana si Rustie sa pagiging drug courier, ang parusa sanang ipinataw sa kanya ay labindalawa hanggang dalawampung taong pagkabilanggo at multang P12,000 hanggang P20,000.
Paglabas ni Rustie ng center, nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbabago ng kanyang buhay. Nakatulong din sa pagbabago ni Rustie ang isang youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang ‘Dire Husi’.
Tinitipon ng ‘Dire Husi’ ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.
Sa tulong nito, nabago ang takbo ng buhay ni Rustie. Nakatuntong pa nga siya sa Malacañang nang igawad ni Pangulong Noynoy Aquino ang parangal sa ‘Dire Husi’ bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong 2012.
Kamakailan lang, nabalitaan kong natapos na ni Rustie ang kursong Development Communications sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.
Kung hindi nabigyan si Rustie ng pagkakataong makapagbagong buhay, siguradong dalawang lugar lang ang kanyang kinahantungan – bilangguan o libingan.
***
Muling bumalik sa akin ang kuwento ni Rustie ngayong umiinit na naman ang isyu ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 as amended.
Ngayon, may mga panukalang ibaba ang age of criminal liability mula 15-anyos patungong siyam na taong gulang.
Katwiran ng mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability, nagagamit ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa sa paggawa ng krimen at nakakalusot dahil hindi maaaring kasuhan. Hindi ko mailarawan sa aking isipan ang nasabing sitwasyon.
Hindi katanggap-tanggap na ang isang siyam na taong gulang na bata ay papatawan ng parusa na para sa isang matanda.
Baka sa halip na magbagong buhay ay posibleng humantong din sa pagiging kriminal ang mga batang ikukulong kasama ng iba pang masasamang loob.
Isa pa, sa kalunus-lunos na kondisyon ng ating mga bilangguan at detention centers, baka lalo lang mapariwara ang mga batang bilanggo sa halip na magbagong-buhay.
Lalala pa ang sitwasyon kapag nagtagumpay ang mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability at death penalty.
Kapag nangyari ang dalawang senaryo, posibleng kabilang sa mga bibitayin ay batang siyam na taong gulang na gagawa ng karumal-dumal na krimen kapag sila’y nilitis bilang nasa wastong gulang at hindi menor-de-edad.
***
Naniniwala tayong napakaganda ng layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act, basta’t naipa tutupad lang nang tama.
Sa halip na ikulong, ang mga batang 15 taong gulang pababa na may problema sa batas ay ilala gak sa kustodiya ng mga magulang o ipasok sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’.
Sa ‘Bahay Pag-asa’, mabibigyan sila ng panibagong pagkakataon upang makapagbagong buhay nang walang takot at trauma na dulot ng pagkabilanggo.
Pinapatawan din ng mabigat na parusa ng Juvenile Justice and Welfare Act ang mga taong gumagamit ng mga bata sa paggawa ng krimen at ilegal na aktibidad.
Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapababa ng tinatawag na age of criminal liability, mas maiging bigyang pansin ang pagpapaganda ng pasilidad ng ating juvenile centers.
Kung mahuhubog sila at magagabayan sa tamang landas, muli silang makakabalik sa lipunan na may positibong pananaw sa buhay at malaki ang maitutulong upang maging produktibong mamamayan ng bansa.
Ganito ang eksaktong nangyari kay Rustie.
Tuwing naaalala ko ang kuwento ni Rustie, nananatiling buo ang aking pag-asa na kayang magbago ng mga kabataang naliligaw ng landas, basta’t panatilihin lang na bukas ang pinto ng pagkakataon para sa kanila.
Kung mayroon mang butas ang batas, puwedeng pag-usapan, pag-aralan at hanapan ng akmang solusyon.
Huwag tayong magpadalus-dalos sa pagkilos dahil baka sa halip na makabuti, lalala pa ang problema.
Article first published on Abante Online
Recent Comments