BIDA KA!: Bigyang pansin ang mga nurse
Kaso ngayon, may malaki tayong problema dahil nasa 500,000 na ang bilang ng walang trabahong nurses sa bansa, ayon na rin sa tala ng Party List na Ang NARS.
Kaya ang ating mga nurse, kumakapit na lang sa patalim at napipilitang mangibang-bansa para sa trabahong hindi nila pinaghandaan o pinag-aralan tulad ng pagiging factory worker o ‘di kaya’y domestic helper.
Ang iba, napipilitang pumasok sa mga pribadong ospital kahit wala pa sa minimum wage ang bayad dahil na rin sa kahirapan sa buhay.
Ang iba naman na nagtatrabaho sa pamahalaan, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa pangakong hatid ng Republic Act No. 9173 o mas kilala bilang The Philippine Nursing Act of 2002, na iniakda ng namayapang senador na si Juan Flavier.
Sa ilalim ng batas na ito, lahat ng entry-level nurse na papasok sa mga pampublikong ospital ay bibigyan ng suweldong katumbas ng salary grade 15 o P24,887 kada buwan.
Sa kabila ng pagkakaroon ng Republic Act 9173, marami pa rin sa ating mga entry-level nurse ang hindi natitikman ang nasabing suweldo at nasa salary grades 11 hanggang 14.
Kaya naman kabi-kabila ang hinaing ng ating mga bidang nurse. Panawagan nila sa pamahalaan, ipatupad na ang nasabing batas para na rin sa kanilang kapakanan.
***
Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong alamin ang puno’t dulo kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod ang batas na ito.
Sa pagdinig ng Committee ng Civil Service at Government Reorganization ukol sa isyu, tinanong natin ang Department of Health (DOH) kung bakit hindi pa rin naibibigay sa mga pampublikong nurse ang suweldong itinatakda ng batas.
Sa huling impormasyon mula sa DOH, mangangailangan ng dagdag na P450 million para maipatupad ang suweldong itinakda ng Republic Act No. 9173.
Sa paliwanag ni DOH Undersecretary Teodoro Herbosa, bigo ang ahensiya na ipatupad ang batas dahil sa kawalan ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon pa kay Herbosa, kung mabibigyan sila ng karampatang pondo ng DBM, handa silang ipatupad ang nasabing batas.
Inamin naman ng kinatawan ng DBM na tali ang kanilang mga kamay sa pagpapatupad ng salary grade 15 sa entry-level nurses dahil nakasisira raw ito sa hierarchy para sa mga posisyong may kinalaman sa medikal.
Kaya hiniling natin sa DBM at DOH na gawin ang mga nararapat na pagkilos upang maipatupad na ang nasabing batas.
***
Maliban sa pagsusulong natin ng salary grade 15 para sa mga pampublikong nurse, naghain din ako ng panukala na maglagay ng isang registered nurse sa bawat public school sa bansa.
Layon ng Senate Bill No. 2366 na tiyaking nababantayan ang kalusugan at pangangailangan sa nutrisyon ng mga Pilipinong mag-aaral.
Nabatid kasi na dahil dalawampung porsiyento ng populasyon ng bansa ay mahihirap, maraming mag-aaral ang nagkakaroon ng problema sa kalusugan.
Naaapektuhan ang kanilang kakayahang matuto dahil marami sa kanila ang hindi nakakapasok sa klase dahil may iba’t ibang sakit.
Kapag nagkaroon ng isang nurse sa bawat pampublikong paaralan, mabibigyang halaga ang kalusugan at nutrisyon sa paghubog sa mga mag-aaral na Pilipino.
Maliban pa rito, kapag naisabatas ang panukala ay makatutulong ito para mabawasan ang bilang ng mga walang trabahong nurse sa bansa.
Kaya bahagi tayo sa pagkilos para matulungan ang ating mga nurse dahil mahalaga sila sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng ating lipunan!
First Published on Abante Online
Recent Comments