Mga kanegosyo, naisipan naming magtayo ng mga Negosyo Centers sa buong Pilipinas para mayroong matatakbuhan ang mga kababayan nating nais magsimula ng negosyo.
Bilang dating social entrepreneur na tumutulong sa mga nanay na may sari-sari store, nakita ko ang kahalagahan ng suporta sa mga maliliit na negosyo.
Kaunting suporta sa training, tulong sa pagkuha ng loan sa bangko at pag-ugnay sa merkado ay nakakatulong sa pag-asenso ng maliliit na negosyo at pag-unlad ng pamilyang Pilipino.
Ngunit noong nagbukas ang mga Negosyo Center, hindi lang mga mayroong maliliit na negosyo ang bumisita at nag-training dito.
Sa aming pag-iikot, marami kaming nakikilalang dating overseas Filipino worker o OFW na gustong magtayo ng negosyo upang manatili na sa Pilipinas.
Sa aking pagbiyahe sa ibang bansa, marami rin akong nakakausap na OFW at nakukwento nila ang kanilang pinagdadaanan at mga hamon sa kanilang buhay, especially sa mga gusto bumalik.
Kaya natutuwa tayo na ang Negosyo Center ay nakakatulong din sa mga kababayang OFWs sa larangan ng pagnenegosyo upang magkaroon ng options na hindi na mag-ibang bansa.
Sa tulong ng business counselors ng Negosyo Centers, nabibigyan sila ng kailangang payo at gabay kung paano sisimulan ang isang negosyo at iba pang mga paraan kung paano ito palalaguin.
***
Isa sa mga OFW na natulungan ng Negosyo Center si Jaylhea Silvestre Barque na nagpapatakbo ng isang mini-restaurant sa Kuwait.
Plano ni Jaylhea na makapagsimula ng maliit na negosyo upang may kabuhayan sakaling magpasya siyang huwag nang bumalik sa Kuwait para magtrabaho.
Nais niyang gamitin ang naipundar na maliit na lupain sa planong negosyo na paggawa ng balut.
Dahil walang sapat na kaalaman sa pagsisimula ng negosyo, dumalo si Jaylhea sa Entrepreneurship and Business Planning Workshop ng Department of Trade and Industry (DTI) and Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa tulong nito, nakabuo siya ng inisyal na plano para sa paggawa ng balut ngunit marami pang kulang kaya lumapit siya sa Negosyo Center sa Kidapawan City upang humingi ng tulong at payo.
Agad naman siyang tinulungan ng isang business counselor ng Negosyo Center sa pagbuo ng isang business plan, na inindorso naman ng Negosyo Center sa DOLE-OWWA Regional Office.
Maliban pa rito, isinumite rin ng Negosyo Center ang kanyang business plan sa Land Bank of the Philippines (LBP)- Kidapawan Field Office para makautang ng kailangang puhunan.
Tinulungan din siya ng DTI at Negosyo Center-Kidapawan sa kanyang aplikasyon para sa loan na aabot ng P1.2 milyon para sa pagbli ng 2,000 itik at dalawang units ng incubator na may kapasidad na 20,000 itlog.
***
Ilang araw ang nakalipas, binisita ng LBP ang maliit na sakahan ni Jaylhea para ma-appraise ang halaga.
Dahil kumpleto ang business plan na binuo sa tulong ng Negosyo Center-Kidapawan at sapat naman ang halaga ng sakahan, wala pang isang buwan ay naaprubahan na ang aplikasyon ni Jaylhea para sa loan.
Ngayon, tumatakbo na ang negosyong paggawa ng balut ni Jaylhea, salamat sa tulong na ibinigay ng Negosyo Center-Kidapawan, mula sa pagbuo ng business plan hanggang sa pag-asikaso ng business loan. Ito ang tulong mula umpisa hanggang dulo na hatid ng Negosyo Center.
***
Mga kanegosyo, noong nakaraang linggo, dumalo tayo sa pagbubukas ng ika-596 Negosyo Center sa Castillejos, Zambales.
Ito ang ikaapat na Negosyo Center sa lalawigan, kasunod ng Olongapo, Iba at San Felipe. Sa mga Zambaleño na interesadong magnegosyo, bumisita na sa apat na Negosyo Centers sa inyong lalawigan.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
***
Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-2 hanggang alas-3 ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.
Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!
Recent Comments